Sen. Bam binatikos ang Malacañang, batas vs katiwalian wala pa rin

Bam Aquino

SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez

HABANG patuloy na binabaha ang Central Luzon at Metro Manila, binatikos ni Senador Bam Aquino ang Malacañang  sa patuloy na pag-delay nito sa panukalang makatutulong para mabantayang maige ang pambansang pondo at maiwasang maulit ang flood control scandal.

Sa budget briefing sa Senado, kinuwestiyon ni Sen. Bam si Department of Economy, Planning, and Development (DEPDev) Sec. Arsenio Balisacan ukol sa pagbaba ng Citizen Access and Disclosure of Expenditures for National Accountability (CADENA) Act, na kilala rin bilang Blockchain the Budget Bill, sa listahan ng prioridad ng Palasyo.

Ayon kay Sen. Bam, mula pangatlo noong 2025, ang CADENA Act ay nasa pang-41 na lang ng prioridad ng Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC).

Mayroon pong LEDAC measure na naipasa na po namin dito sa Senado na isulong na po natin, in 2025 priority measure po ito, in 2026 priority measure pa rin po ito. Parang nawala po ata ‘yung CADENA or Blockchain the Budget Bill. What’s the reason why it’s not on this list? Are you not supporting this bill, Secretary?” tanong ni Sen. Bam kay Sec. Balisacan.

Paliwanag ni Sec. Balisacan, nagpasya ang Malacañang at liderato ng Kongreso na iklian ang listahan at unahin ang mga mahalagang panukalang batas na madaling maipasa sa loob ng 12 buwan.

Hindi naman ito tinanggap ni Sen. Bam, sa pagsasabing pasado na ang CADENA Act sa Senado at nakapasa na rin sa committee level sa Kamara.

Inaatasan ng panukalang batas ang lahat ng ahensya ng pamahalaan na i-upload at panatilihin ang detalyadong mga dokumento kaugnay ng budget — kabilang ang mga kontrata, gastusin sa proyekto, bills of materials, at procurement records — sa isang Digital Budget Platform.

Dinisenyo ang sistemang ito upang matiyak na ang lahat ng file ay bukas sa publiko, hindi madaling pakialaman, nasusubaybayan, at maaaring maberipika.

Ang mga opisyal ng gobyerno na mabibigong magsumite ng mga kinakailangang dokumento o mag-upload ng pekeng impormasyon ay haharap sa administratibo at kriminal na parusa.

This bill, which will put the budget on blockchain, pati ‘yung mga contractor, pati ‘yung presyo ng semento, ng pako, at lahat-lahat, napag-usapan na po natin from 2025 na mahalaga po ito. I want to understand: why is it not in the priority measure of the DBCC?” usisa pa ni Sen. Bam.

Ayon pa kay Sen. Bam, dapat ay pinakinggan ng LEDAC ang boses ng iba’t ibang sektor na suportado ang panukala at nagnanais na maipasa ito sa lalong madaling panahon.

Aniya, nakababahala na bigla itong nawala sa priority ng Palasyo kahit pa hanggang ngayon ay isyu pa rin ang katiwalian sa flood control.

Alam ho natin lahat how powerful this bill can be. Napakarami na pong grupo ‘yung nagsabi na nais nilang makitang pasado ang batas na ito, from inside the government, outside the government. Nagtataka po ako, bakit parang hindi natin ‘to minamadali? Noong kasagsagan ng flood control scandal, we all agreed we would push for this, and push for full transparency,” giit pa ni Sen. Bam.

Iginiit pa ni Sen. Bam na maganda sana itong legasiya ng administrasyong Marcos kung maisasabatas sa kanyang termino.