Nanay ni Sachzna kay Angelica: dalawang beses po kaming nakipag-usap, wala kaming kinita

Angelica Jones Miss Flawless Sachzna Laparan mother

SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez

NAGPAALAM at sumunod sa tamang proseso. Ito ang iginiit ng nanay ni Sachzna Laparan na si Christine Laparan Policarpio ukol sa pagmamarakulyo ni Angelica Jones sa kantang pinasikat nito, ang Miss Flawless.

Inirereklamo kasi ni Angelica na hindi nagpaalam si Sachzna sa pagkanta at paggawa nito ng music video.

Sa pamamagitan ng Facebook, ipinaliwanag ni Mrs Christine ang naging proseso nila sa paggamit ng kanta. 

Para kay Ms. Angelica Jones, Magandang araw po. Nais lang po namin magbigay ng maayos na paglilinaw hinggil sa mga lumalabas na usapin na ‘hindi raw po ipinaalam’ sa inyo ang paggawa ng bagong version at music video ng ‘Miss Flawless.’

“Gusto po namin linawin na buo ang aming respeto sa inyo at sa orihinal na awitin, kaya po bago pa man ito isagawa ay sumunod kami sa tamang proseso.

“Pag-alok at Pagpapaalam sa Inyo: Mismong ang aming Direktor po ang personal na nakipag-usap sa inyo upang ipaalam ang proyekto at alukin kayong maging bahagi ng music video. 

“Naunawaan naman po namin noong sinabi ninyong hindi na po kayo pwede dahil nasa larangan na kayo ng politika at hindi na po angkop ang pagsayaw.

“Paghingi ng Permiso sa Composer: Dalawang beses din po naming personal na pinuntahan at kinausap ang songwriter at composer na si Sir Lito Camo para magbigay-galang at ipaalam na chorus lamang ang gagamitin at babaguhin ang iba pang lyrics.

May mga komunikasyon at ebidensya naman po kaming hawak na nagpapatunay na nagkausap po nang maayos ang magkabilang panig.

“Sana po ay maging malinaw na ito sa lahat upang maiwasan na ang hindi pagkakaunawaan. Maraming salamat po at nananatili ang aming paggalang sa inyo.”

Hindi pa rito nagtapos ang paliwanag ng ina ni Sachzna. Sa comments section, may dagdag paglilinaw pa ito.

Anang ina ni Sachzna, “WALA PO KAMING KINITA SA MISS FLAWLESS NA YAN HINDI PO SA SPOTIFY NG ANAK KO YAN KUNG NAKIKITA NYO AT HINDI DIN SA YOUTUBE NG ANAK KO YAN. 

“SOBRANG MARAMING TUMULONG LANG SA AMIN AT MGA TAO DYAN IS FOR THE LOVE LANG! KAYA LUBOS PO KAMING NAG PAPASALAMAT NA NAG TIWALA KAY Sachzna Laparan.”

Bago ito, naglabas ng hinaing ang aktres at public servant, sa isang interbyu sa kanya sa Your Honor vodcast, sa sinasabi niyang hindi pagpapaalam ng kampo ni Sachzna. 

Ani Angelica, “Actually, noong ako po ang chairman ng Tourism before ng aking second term as board member, I remember, 2019 ayun so ang sabi nila magsu-shoot daw sa Laguna at makikipag-meetup.

“Meetup for shooting na of course ipapaalam muna (pag-revive sa kanta), hindi mo totally sinabi. Ipapaalam parang mayroon silang idi-discuss. 

“Siyempre, board member na ako niyon, to be honest with you nakaka-offend ‘yun on my part kasi elected official ako and then nag-react ‘yung tourism ng Laguna na ang sabi ay hindi raw tuloy ang shooting, hindi raw tuloy ‘yung pagpunta nila roon,” esplika ni Angelica.

“Nalaman ko na lang na pumunta sila roon sa fourth district (sa Laguna), nag-shoot at ‘yung kantang ‘Miss Flawless’ (ginamit nila).

“And tinanong ako ni Kuya Lito Camo, tanong niya sa akin, ‘Bokal, nagpaalam ba sa sila ‘yo sila?’ Kasi sabi ko bago sila mag-shoot at ilabas ‘yung kantang ‘yan, magpaalam muna sa ‘yo,” wika pa ni Angelica.