Suporta ng China sa PH Wushu pinalakas
MULING pinagtibay ng Embahada ng Tsina ang suporta nito sa pag-unlad ng wushu sa Pilipinas matapos bumisita si Chinese Ambassador to the Philippines Jing Quan at ang kanyang delegasyon sa Philippine Sports Commission (PSC) at sa training venue ng Wushu Federation Philippines (WFP) sa Rizal Memorial Sports Complex sa Malate Maynila.
Sinamahan si Quan nina PSC Commissioner Edward Hayco, Executive Director Atty. Guillermo Iroy, WFP Secretary General Julian Camacho at iba pang opisyal ng WFP sa kanyang courtesy visit.
Ipinahayag din ng Chinese envoy ang buong suporta ng kanilang embahada sa pagho-host ng Pilipinas sa World Wushu Championships sa 2027.
“Mahigit 7,000 atleta ang inaasahang lalahok sa World Wushu Championships sa susunod na taon. Malaking pagkakataon ito upang higit pang maisulong ang wushu at martial arts sa buong mundo. Hangad din namin ang mas marami pang tagumpay ng mga atletang Pilipino sa mga darating na internasyonal na kompetisyon,” dagdag niya.
Kasalukuyang nasa China ang pambansang koponan ng wushu na pinangungunahan nina Agatha Wong, Jones Inso at Arnel Mandal para sa dalawang buwang training camp bilang paghahanda sa Taolu World Cup sa Hulyo 7 hanggang 9 sa Haikou, China, at sa Asian Games sa Nagoya, Japan.
Nakatakda ring katawanin ni batang taolu standout Angel Polo ang Pilipinas bilang nag-iisang kinatawan ng bansa sa wushu sa Youth Olympic Games na gaganapin sa Senegal mula Oktubre 31 hanggang Nobyembre 13. (GF/HNT)
