Aya Fortes

Aya Fortes, trabaho lang na makipaglampungan sa pelikula 

ALAM MO NA!
ni Nonie Nicasio

NAGSIMULA ang newbie sexy actress na si Aya Fortes sa pagsabak sa movies ngayong February 2026 lang. More or less ay four months pa lang siya sa showbiz, pero tatlo na agad ang nagawa niyang pelikula.

Kuwento sa amin ni Aya, “Nag-start po ako sa showbiz nitong February 2026, may friend po ako na alam ‘yung agency na Philmoda and ini-refer po ako roon at iprinesent na po ako kay boss Vic (del Rosario). Then, doon na po nag-start.”

Aniya pa, “Ang unang movie ko po ay Check-In, pero support pa lang po ako roon, last May 1 po (siya) ipinalabas sa VMX.” 

Ano-ano na ang nagawa niyang movies?

“Una po ay Check-In, sumunod ay Kesong Puti, at next ay Helena po, streaming on July 3 na po ito.

“Sa Helena po, ako po rito si Linda at asawa ko po riyan si Jhon Mark Marcia as Ernie. Second lead po ako rito and buntis po ako tapos magpapagamot po kami kay Jenn Rosa as Helena. Hanggang sa madalas po kaming magpagamot kay Helena at doon po may mangyayari, hindi ko na po ikukuwento para hindi maging spoiler, hehehe.”

Gaano siya ka-daring dito? “Para sa akin po hindi po ganoon ka-daring ‘yung scene namin ni Ernie, hehehe. 

Mas daring po ‘yung eksena ko sa Kesong Puti, 

kasi roon po ‘yung eksena namin mas gigil po kaming dalawa ng partner ko, at may ginawa po ako roon sa partner ko na kakaiba, hahaha!” Nakatawang sambit niya.

Nasasanay na rin daw siya sa pagpa-sexy sa movie. “Para sa akin po dahil nakatatatlong movie na po ako, hindi na po siya ganoon kahirap, hehehe. And, pinaghahandaan ko rin po talaga kapag may bagong project.” 

Sinabi rin ng seksing alaga ni Jojo Veloso ang pakiramdam niya nang unang sumabak sa love scene.

“Bale, kay kuya Victor Relosa po iyon, sobrang nakakakaba po, hahaha! Pero dahil gusto ko po ‘yung trabaho ko and sobrang professional po ng mga naging partner ko, basic na lang po kapag love scene, hahaha! Basta trabaho lang po talaga,” pakli pa ni Aya. (30)