Lance Raymundo, patuloy sa paghataw bilang actor, host, at singer
ALAM MO NA!
ni Nonie Nicasio
MULING ipinakita ni Lance Raymundo ang husay niya bilang host sa nagdaang Grand Coronation Night ng Mrs. Universe Philippines 2026 sa The Manila Hotel Tent City last June 28, 2026.
Suot ni Lance ang eleganteng tux na Chancellor 9000, naging makulay ang gabi na tinaguriang a night of elegance, empowerment, and inspiration sa pangunguna ng President and National Director nito na si Ms. Charo Laude.
Ang co-host ni Lance rito ay ang Supermodel Universe 2025 na si Yna Angela Uy, na nagpakita rin ng husay kaya proud si Lance sa kanilang tandem.
Wika ni Lance, “My Mrs. Universe Philippines hosting stint is actually one of my 2026 highlights so far! Sobrang smooth and natural ‘yung flow ng buong gabi. It’s also because sobrang vibe kami ng partner ko na si Supermodel Universe 2025 Yna Angela Uy. Kahit may mga moments na need namin i-stretch ang spiels… sobrang spontaneous ang exchange namin onstage, as well as ‘yung engagement namin sa audience. No one feels the passage of time.”
As an actor naman, katatapos lang ni Lance ng pelikulang “Neophyte 26” na tinampukan nina Derrick Monasterio at Angelica Jones. Dalawa agad ang kasunod nito na parehong under kay Direk Nijel de Mesa.
Aniya, “Doing two projects for NDM+ right now. ‘Yung horror/comedy na Ghost Project and ‘yung comedy/fantasy movie na Taipei Tanders with icons Marissa Delgado, Nanette Inventor, and Eva Darren.
“Sa Ghost Project, ang role ko ay nepo baby na itinakwil ng magulang dahil batugan. First time kong maghanap ng work kaya namasukan ako bilang assistant sa isang construction company. ‘Yung unang project ko ay sa isang building na may multo. Sina Moymoy Palaboy, Dennis Padilla, Regine Angeles, Analyn Baros, Toffi Santos ang ilan sa cast nito.
“Sa Taipei Tanders naman… since fantasy ‘yun… sina Tita Marissa, Nanette, and Eva, biglang nag-transform at bumalik ang mga itsura nila noong dalaga pa sila.”
Nabanggit din Lance na proud siya kay direk Nijel.
“I’m very proud to work with a very talented visionary like Direk Nijel! Imagine, I finally experienced being in a movie that has been featured and discussed in Cannes Film Festival. ‘Yung Ghost Project ay isa sa mga featured movies sa Marche du Film Cannes 2026.
“Also, Direk Nijel is the pioneer in introducing the very first AI protection and licensing Ecosystem in the World known as Verified Doppel. Now, my AI Avatar is available for AI film makers and I get paid like a regular day on the set kahit AI self ko lang ang gamit.”
Bilang singer, may aabangang pasabog kay Lance dahil may gagawing single na magkakasama silang apat na magkakapatid – ang Raymundo brothers – Lance, Rannie, Richard, at Neil. Pinamagatang “Wait For Me”, kaabang-abang talaga ang single na ito.
