AKSYON AGAD
ni Almar Danguilan
MARAMI ang naghihintay sa pagsisimula ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte sa July 6. Hanggang ngayon, mainit pa rin itong usapin at malinaw na hati ang opinyon ng publiko. Kaya naman mas mahalaga kaysa dati na maging patas at kapani-paniwala ang magiging takbo ng paglilitis.
Kaya napapansin din nang marami ang sunod-sunod na pahayag at panayam ni Senate President Sherwin Gatchalian tungkol sa kanyang paghahanda bilang posibleng Presiding Officer.
Pero may ilan din nagtatanong kung siya ba ang pinakamainam na mamuno sa proseso. Kilala si Gatchalian na malapit sa administrasyon, at may mga nagsasabing kaalyado rin siya ng mga tinatawag na ‘pinklawan’ na sumusuporta sa impeachment laban kay VP Sara. Dahil dito, may mga nag-aalala na baka magkaroon agad ng pagdududa sa pagiging patas ng paglilitis.
Si Gatchalian mismo ang nagsabi na ang impeachment ay isang political exercise. Dahil dito, napakaimportante ng papel ng Presiding Officer. Siya ang inaasahang magtitiyak na magiging balanse ang pagdinig at mabibigyan ng patas na pagkakataon ang magkabilang panig. Kung may bahid ng pagkiling ang mamumuno, baka mawalan ng kredibilidad ang buong proseso at magmukhang isa lamang itong moro-moro o lutong-Macau.
May isa pang usapin. Hindi abogado si Gatchalian, kaya may mga nagtatanong kung sapat ba ang kanyang karanasan sa paghawak ng isang komplikadong paglilitis kung saan maraming legal na isyu at pagtatalo ang maaaring lumabas.
Mas mainam sana kung ang mamumuno ay isang abogado na may malalim na kaalaman sa proseso at walang kinikilingang kampo. Sa ganitong sensitibong usapin, dapat siguruhin na walang dahilan ang publiko para pagdudahan ang integridad ng Presiding Officer.
Samantala, may mga bulung-bulungan din na nais namang itulak ng ‘pinklawan’ si Senator Kiko Pangilinan bilang Presiding Officer, habang sinisiraan umano ang ibang posibleng kandidato.
Kung sa pagpili pa lang ng Presiding Officer ay nababahiran na ng politika at pagdududa, paano pa kaya ang magiging tingin ng publiko sa mismong impeachment trial? Kung may kahit kaunting alinlangan sa pagiging patas ng mamumuno, marahil mas mabuting humanap na lamang ng ibang pangalan na mas katanggap-tanggap sa lahat.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com