‘Uubusin’ ni Bongbong ang pamilya Duterte

Sipat Mat Vicencio

SIPAT
ni Mat Vicencio

HINDI papayagan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., na ang ‘trono ng kapangyarihan’ ng isang pangulo ay mapupunta sa kamay ni Vice President Sara Duterte at sa sinumang miyembro ng pamilya ni dating Pangulong Digong Duterte.

Inaasahang malupit ang ganti na gagawin laban kay Bongbong sa sandaling maging pangulo si Sara. Alam ni Bongbong na patong-patong na kaso ang kanyang kakaharapin at malamang na tuluyang makulong sa ilalim ng administrasyon ni Sara.

Hindi mapapatawad ni Sara ang ginawa ng pamahalaan ni Bongbong sa kanyang amang si Digong nang arestohin ng pinagsanib na puwersa ng Interpol at PNP, at ipakulong sa ICC detention center sa The Hague, Netherlands.

Sa ngayon, patuloy na dinidinig ng impeachment court sa Senado ang kaso ni Sara at sa tinatakbo ng paglilitis, lumalabas na makukuha ng prosecution panel ang guilty verdict laban sa pangalawang pangulo.

Kinasuhan na rin ng three counts na grave threats sa Quezon City Regional Trial Court si Sara matapos ang ‘pananakot’ na ginawa laban kina Bongbong, FL Liza Araneta-Marcos at dating Speaker Martin Romualdez. 

At kung si Mayor Sebastian “Baste” Duterte naman ang lumulutang na tatakbo bilang pangulo sa sandaling ma-convict si Sara, kailangan maging maingat si Baste dahil sa inaasahang mga kasong isasampa ng gobyerno laban sa kanya.

Dapat din mapagbantay si Congressman Paolo “Pulong” Duterte dahil hindi hahayaan ng pamahalaan ni Bongbong na makaporma ang isa pang miyembro ng pamilya ni Digong kung aambisyonin din nito na maging pangulo.

At sa pagtatapos ng panunungkulan sa 2028, uubusin ni Bongbong ang pamamayagpag ng kanyang mga kalaban sa politika, higit sa lahat ang pamilyang Duterte na sukdulan ang galit sa pangulo.

Alam ni Bongbong ang mangyayari sa kanya sa sandaling maging pangulo si Sara. Hindi niya ito papayagan lalo na kung pati si First Lady Liza-Araneta Marcos, ang kanyang mahal na asawa, ay makakasama niya na maghihimas ng rehas sa kulungan.