Kolorum na e-commerce trucks, van, sapol kay Atty. Pua

00 Aksyon Agad

AKSYON AGAD
ni Almar Danguilan

KAPAG kolorum ang pag-uusapan, ano ang unang nasa isipan ninyo mga kababayan? Ano pa nga ba kundi ang mga hari ng kalsada — jeep, van maging ang bus. Ngunit ang mga nabanggit nga lang ba ang nagkokolorum? Ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na pinamumunuan ni Atty. Greg G. Pua, Jr., (bilang acting chairman) ay may natuklasan na agad naman tinugunan ng ahensiya.

So, lumalabas na hindi lang pala mga jeep, van, at bus ang lumilinyang kolorum kung hindi mayroon pang iba. Ganoon na nga!

Batid natin na patuloy ang pag-usbong ng online business o ang e-commerce ngayon kung saan sa takbo ng negosyong ito, natuklasan ng LTFRB na may mga hindi rehistradong truck at van ang bumibiyahe upang magdeliber ng mga kalakal ng mga online shopping platform.

In short, wala silang permiso mula sa LTFRB para sa pagbibiyahe ng milyon-milyong pisong halaga ng mga kalakal mula sa online shopping platform.

Yes, lumalabas na kolorum din ang mga ito dahil walang kaukulang prangkisa mula sa LTFRB o inspeksiyon para sa road worthiness. Sapol kayo kay Atty. Pua!

Pero sa ginawang aksiyon ni Atty. Pua, sa ilalim naman ng superbisyon ni DOTr Secretary Giovanni Z. “Banoy” Lopez, ipinararating ng ahensiya, tapos na ang masasayang araw ng mga nasabing nagkokolorum.

Nitong 15 Oktubre, pinaalalahanan ng ahensiya na mabigat ang multa at parusa para mga mahuhuling nagkokolorum — hanggang ₱200,000 bawat unit, pag-impound, at posibleng pagkakulong sa ilalim ng Public Service Act).

Simula nang magbabala ang LTFRB, hindi nag-aksaya ng panahon ang ahensiya. Makalipas lamang ang dalawang araw agad na naglabas ang LTFRB ng Subpoena Duces Tecum laban sa limang malalaking online shopping at retail platforms: Lazada, Shopee, Zalora, TikTok Shop, at SM Retail Inc.

Ipinag-utos sa mga kompanya na isumite ang kompletong listahan ng kanilang mga accredited truck-for-hire partners sa loob ng tatlong araw.

Imbes makipaghabulan sa mga truck sa kalsada, pinuntirya agad ng ahensiya ang pinagmumulan ng demand kung saan ito ay isang mabilis at matalinong estratehiya. Sa estilong ito, kapag isinarado ng mga online platforms ang kanilang linya sa mga ilegal na operator, kusa silang mawawalan ng negosyo.

Ang hakbanging ito ng ahensiya ay bilang proteksiyon sa mga lehitimong transport operator na matinong nagbabayad ng buwis, kumukuha ng Certificate of Public Convenience (CPC), at sumusunod sa regulasyon.

Bukod dito, tiniyak din na ang mga commercial vehicle ay dumaan sa masusing inspeksiyon upang makaiwas sa mga hindi inaasahang insidente sa lansangan.

Pinaalalahanan din ng LTFRB ang mga higanteng e-commerce na mayroon din silang legal at moral na obligasyon na tiyaking rehistrado ang kanilang mga logistics partner.

Sa mabilis na aksiyon ng LTFRB –  pagpapadala agad ng subpoena sa mga malalaking kompanya, ito  ay patunay na nagmamalasakit ang ahensiya para sa kaayusan at kaligtasan ng publiko.