MULING hinarap ng mga pamilyang nawalan ng tahanan nang tupukin ng matinding sunog noong nakaraang buwan sa Barangay Sta. Ana, Taguig City ang panibagong trahedya matapos gibain ng mga nagpakilalang demolition workers ang ilan sa kanilang pansamantalang tirahan at nagtayo ng barracks para sa mga pribadong security guard na pumasok sa lugar noong Huwebes.
Ayon kay Maricel Morales, pangulo ng Samahan ng Maralitang Nasa Baybayin ng Sta. Ana, Pulong Kendi II Neighborhood Association, Inc. (SAMANA), nabigla ang mga residente nang madatnan nilang nakagiba na ang hindi bababa sa tatlong pansamantalang silungan pagbalik nila sa kanilang komunidad.
“Pagdating namin, tatlong pansamantalang bahay na ang naigiba habang may mga pribadong guwardiya nang nakapuwesto sa loob ng aming komunidad,” ani Morales.
Sinabi ni Morales na hinarap ng mga opisyal ng SAMANA ang grupong pinamumunuan umano ni Pananggilan J.S. Gadisan, na nagpakilalang kinatawan ng RARC TIGER 1986 Security Agency.
Ayon kay Morales, sinabi umano ni Gadisan na ipinatutupad lamang nila ang utos ng isang sinabing nag-aangking may-ari ng lupa at mayroon silang fencing permit na inisyu ng Taguig City Land and Building Office.
Ngunit iginiit ni Morales na walang naipakitang demolition order o anumang utos mula sa korte ang grupo nang hingin ito ng mga lider ng komunidad.
Inihayag din niya na isinagawa ang demolisyon habang marami sa mga residenteng naapektohan ng sunog ay nasa Taguig City Hall upang kumuha ng pinansiyal na ayuda, kaya halos walang naiwan sa komunidad.
Aniya, nangyari ang insidente sa kabila ng napagkasunduan sa isinagawang Inter-Agency Meeting noong 25 Hunyo 2026 na panatilihin muna ang status quo habang nilulutas ang mga usaping legal at administratibo kaugnay ng pagmamay-ari ng lupang kinatitirikan ng komunidad.
Ang pulong ay ginanap sa tanggapan ng Chairperson ng House Committee on Housing and Urban Development sa pangunguna ni Atty. Christian Eco, hepe ng Urban Poor Affairs Office (UPAO).
Dumalo rito ang mga kinatawan mula sa Presidential Commission for the Urban Poor (PCUP), Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD), Commission on Human Rights (CHR), DENR-NCR, Pamahalaang Lungsod ng Taguig, Barangay Sta. Ana, Community Organizers Multiversity (COM), ULAP Confederation, at SAMANA.
Kabilang sa mga napagkasunduan ang status quo (o pagpapanatili ng kasalukuyang kaayusan), pansamantalang suspensiyon sa fencing activities, pagbuo ng Local Inter-Agency Committee (LIAC), at pagpapatuloy ng dialogo habang tinutugunan ang mga reklamong inihain ng mga residente.
Ayon sa SAMANA, hindi dumalo sa naturang kasunduan ang sinasabing nag-aangking may-ari ng lupa, at ang ginawang demolisyon at pagpasok ng mga pribadong security personnel ay tila salungat sa status quo na napagkasunduan isang araw bago ang insidente.
Nanawagan ang samahan sa Kongreso at iba pang kaukulang ahensiya ng pamahalaan na magsagawa ng imbestigasyon sa iniulat na demolisyon, pananakot at pangha-harass sa mga residente, pagpasok ng mga pribadong security personnel, at sa legal na batayan ng isinagawang operasyon sa loob ng komunidad.
Noong 25 Mayo, tinupok ng malaking sunog ang malaking bahagi ng Pulong Kendi II na nagresulta sa pagkawala ng tirahan ng 327 pamilya. Hanggang ngayon ay marami pa rin sa kanila ang nananatili sa pansamantalang mga silungan habang unti-unting bumabangon mula sa pinsalang dulot ng sunog at pagkawala ng kanilang kabuhayan. (TEDDY BRUL)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com