ALAM MO NA!
ni Nonie Nicasio
NAPAPANOOD na ngayon ang bagong seryeng “Sigabo” na pinagbibidahan ng tinaguriang Hari ng Aksiyon sa Ating Henerasyon na si Coco Martin, kasama si Julia Montes.
Kasama sa cast nito ang mahusay na aktor na si Richard Quan. Inusisa namin siya kung ano ang role niya rito?
Tugon niya, “Baka hindi ko pa puwedeng i-reveal, kasi bandang second or third week pa papasok ang character ko rito, hehehe.”
Good guy ba siya sa seryeng ito? “Secret muna, baka hindi pa rin puwedeng i-reveal,” nakangiting wika pa ni Richard.
Nabanggit din ng aktor kung bakit Sigabo ang title ng kanilang serye.
Aniya, “Aside from Gabo ang name ng character ni direk Coco… sigabo means nag-aalab, puwedeng damdamin o situation.”
Bakit sa palagay niya, after ng Batang Quiapo, isinali siya ulit ni Coco sa new project na ito?
“Base sa experience ko, malaking factor na nakikita ni direk Coco at ng staff niya yung dedication at hard work ng mga actor, yung hindi ka sakit ng ulo ng production at nagagampanan mo nang maayos yung character na ibinigay sa iyo.
“On my part, I always do my best na maging mataas ang standard ng professionalism ko… Kaya siguro nakasama ulit ako sa Sigabo,” sambit pa ng veteran actor.
Sinabi rin ni Richard na saludo siya kay Coco bilang aktor/director.
“Bilang aktor, alam naman ang kalibre niya, pero yung alam niya ang gusto ng mga audience, yun ang special sa kanya.
“As a director, bibilib ka rin talaga, kasi, malinaw siyang magbigay ng instructions at alam niya ang kanyang ginagawa, at kalmado siyang magdirek.
“Idagdag ko na rin bilang tao – unbelievable yung humility niya, sa kabila ng mga na-achieve niya, grounded pa rin siya. Ikaw ang mahihiya na hindi magpakumbaba. Inspiring talaga si Direk Coco,” wika pa ni Richard.
Si Julia Montes ba naka-work na niya before?
“Matagal na iyon, parang more than two decades ago pa yata iyon, sa Tabing-Ilog.”
Nagkaka-eksena na ba sila ni Julia sa Sigabo?
Esplika ni Richard, “Hindi pa actually… pero every time na magkikita kami, very pleasant at nandoon iyong humility niya.”
Aminado si Richard na madugo ang schedule ng tapings kapag TV series, kapag ganyan ba, hindi na muna siya tumatanggap ng movie project para makapag-focus sa kanilang serye?
Pahayag ng aktor, “Dito sa seryeng Sigabo, nag-sacrifice ako ng dalawang movie projects, hindi ko tinanggap kasi conflict sa schedule.
“Priority ko ang Sigabo, from what I heard, personal choice ni direk Coco ang mga actors dito, kaya nakakahiyang magbigay ng kahit maliit na hassle sa production.
“Sa totoo lang, naa-appreciate ko talaga na napasama ulit ako sa serye ni Direk Coco.”
Ang action-drama serye na Sigabo ay napapanood sa TV5, 8 p.m., kasabay ng pag-ere nito sa ALLTV2, A2Z, Kapamilya Channel, Kapamilya Online Live sa YouTube at Facebook, at iWant.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com