NILINAW sa publiko at stakeholders ng Philippine Army (PA) na gamitin ang wasto o tamang katawagan sa mga miyembro ng CAFGU Active Auxiliary sa bansa.
Binigyang-diin nito na ang terminong “National Guard” ay hindi pa opisyal na kinikilala sa ilalim ng mga umiiral na batas at patakaran ng Republika ng Pilipinas.
Ang CAFGU Active Auxiliary, ay nananatiling puwersang itinatag ng batas na kumikilos sa ilalim ng Armed Forces of the Philippines.
Kung saan patuloy din itong gumaganap ng mahalagang papel sa pagsuporta sa mga pagsisikap para sa kapayapaan at seguridad, lalo na sa mga lokal na komunidad at malalayong lugar.
Dagdag pa ng mga opisyal ng militar, na bagaman may mga naisagawang pag-aaral at pilot initiative noon kaugnay sa konsepto ng “National Guard,” wala pang pinal na desisyon para sa opisyal na pagpapatibay dito.
Bunsod nito’y, hinihikayat ang mga personnel na patuloy na gamitin ang opisyal at kinikilala sa batas na terminong CAFGU Active Auxiliary sa lahat ng komunikasyon, ulat, at pampublikong pahayag.
Ang tamang pagtukoy sa mga yunit ng militar ay mahalaga upang mapanatili ang integridad ng organisasyon, matiyak ang pagkaunawa ng publiko, at masunod ang mga umiiral na legal at institusyonal na balangkas.
Kasunod nito’y hinimok ang mga miyembro ng CAFGU Active Auxiliary na manatiling matatag sa kanilang mga tungkulin sa mga kumunidad, habang itinataguyod ang propesyonalismo at paggalang sa mga itinakdang patakaran at regulasyon ng militar. (MICKA BAUTISTA)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com