DUMALO si Senador Bam Aquino sa espesyal na screening ng pagbabalik ng isa sa pinakapaboritong Pinoy television franchise, ang Home Along Da Riles Da Reunion sa SM Mall of Asia, Cinema 5.
Nakasama ni Sen. Bam ang ilan sa mga miyembro ng cast ng pelikula — kabilang sina Vandolph Quizon, Boy 2 Quizon, Smokey Manaloto, Gio Alvarez, Maybelyn Dela Cruz, at Dang Cruz — sa muling pagbabalik-tanaw sa masasayang alaala ng sikat na sitcom at panonood ng reunion film kasama ang mga tagahanga.
“Hindi kompleto ang pagiging Batang 90s kung hindi ka lumaki sa ‘Home Along Da Riles,’” wika ni Sen. Bam, na isang self-confessed na Batang 90s.
Binati ni Sen. Bam ang cast at production team ng reunion film at pinuri ang kanilang pagsisikap na maibalik ang isang kuwentong patuloy na tumatatak at minamahal ng mga manonood kahit makalipas ang ilang dekada.
“Congratulations sa buong cast at production team ng ‘Home Along Da Riles Da Reunion.’ Salamat sa mga tawa, alaala, at maging sa mga luhang hatid ng kwentong muling nagbigay-buhay sa isang paboritong bahagi ng ating kabataan,” wika ni Sen. Bam.
“Talagang ramdam ang pagmamahal at sipag na inilaan ninyo para sa pelikulang ito,” dugtong pa niya.
Muli ring ipinahayag ng senador ang kanyang buong suporta sa lokal na industriya ng pelikula, at binigyang-diin ang kahalagahan ng pagtataguyod sa mga kuwentong Filipino at malikhaing talento ng bansa.
“Patuloy nating susuportahan ang Pelikulang Filipino,” ani Sen. Bam, na isinusulong na mabigyan ng mas matibay na suporta ng pamahalaan ang creative industry ng bansa dahil sa malaking potensyal nito na makalikha ng mas maraming trabaho at magpasigla ng ekonomiya.
Ayon kay Sen. Bam, nananatiling isa sa pinakamalalaking lakas ng Pilipinas ang creative sector at nararapat lamang itong suportahan sa pamamagitan ng sapat at tuloy-tuloy na pondo, gayundin ng isang pangmatagalang plano mula sa gobyerno.
Aniya, ang pinakamalakas na suporta sa mga Filipinong creatives, artists, content creators, filmmakers, musicians, at designers ay hindi lamang magbubukas ng mas maraming kabuhayan at oportunidad sa trabaho, kundi magpapakita rin ng galing ng Filipino sa pandaigdigang entablado.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com