KASADO na ang San Juan City local government unit (LGU) sa lahat ng aktibidad para sa pagdiriwang ng Wattah Wattah Festival, kasabay ng kapistahan ng San Juan Bautista na mahigpit na babantayan ang mga kalye at kalsada at tanging sa itinalagang “Basaan Area” lamang magaganap ang basaan para walang madamay na motorista, commuters, at ang mga ayaw mawisikan o mabuhusan ng tubig.
Ayon kay San Juan City Mayor Francis Zamora, nais nilang muling ipatupad ang organisado at kontroladong “Basaan Area” na matagumpay na naganap noong 2025 dahil zero violations ang naitala ng San Juan Police.
Para sa mga San Juaneños na nais makisaya sa basaan, magpunta sa Basaan Zone na daraan sa Guevarra St., Pinaglabanan St., at hanggang N. Domingo St. lamang at magaganap ang basaan mula 7:00 ng umaga hanggang 2:00 ng hapon sa 24 Hunyo, araw ng Miyerkoles.
Paalala ni Mayor Zamora, may nakaabang na multang P5,000 at makukulong ng 10 araw ang mga pasaway na San Juaneño na irereklamong lumabag sa Wattah Wattah Festival 2026 base sa Ordinance No. 14.
Nagtalaga na rin ng mga pulis at tanod na magbabantay at huhuli sa mga pasaway at hindi sumusunod sa batas.
Magaganap ang Street Dance Competition, Santong Tao Float Competition, Best Booth Competition, at Street Party sa 23 Hunyo, Martes.
Inaasahan na magiging masaya at matagumpay ang Wattah, Wattah Festival 2026 dahil para sa mga residente ng San Juan ang kasiyahan. (VICK AQUINO)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com