HINILING ng grupong Flag Maharlika sa National Bureau of Investigation (NBI) na imbestigahan ang IT provider ng Land Transportation Office (LTO) na Dermalog na may hawak sa pag-iimprenta ng driver’s license ng mga motorista.
Sa ipinadalang liham kay NBI Director Atty. Melvin Matibag, may petsang 19 Mayo 026, hiniling ng grupo na busisiin ang sinabing paglalantad ng mahahalagang rekord ng mga aplikante ng driver’s license sa ibang bansa.
Batay sa pahayag ng Flag Maharlika, nakasaad sa Ombudsman Resolution OMB-C-C-22-0061 na inilabas noong 16 Nobyembre 2022 ang ulat ng LTO Management Information Division na may petsang 27 Oktubre 2020, na sinasabing may access at kontrol ang Dermalog sa 5-year driver’s license inventory at printing application modules ng ahensiya.
Sinabi ng grupo, lumabas sa naunang imbestigasyon na posibleng magkaroon ng national security threat dahil sa kakayahan ng service provider na mag-imprenta ng lisensiya na hindi natutunton ng LTO sa labas ng bansa.
Sinabi sa reklamo, tuwing may paglilipat ng inventory mula sa isang LTO district papunta sa iba, kinakailangan makipag-ugnayan sa empleyado ng Dermalog na nasa Malaysia upang maisagawa ang proseso.
Iniuugnay ang usapin sa posibleng paglabag sa Section 3(e) ng RA 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act, RA 9184 o Government Procurement Reform Act, at RA 10175 o Cybercrime Prevention Act na naka-angkla sa illegal access, data interference, at system interference. (HNT)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com