SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez
NAG-UUSAP pa rin sina Bea Alonzo at Vincent Co. Ito ang tiniyak sa amin ng aming kausap na malapit sa dalawa at iginiit na inaayos pa rin hanggang ngayon ng mga ito ang mga usapin sa kanilang relasyon.
Iginiit din ng aming kausap na mahal na mahal ni Vincent si Bea.
Tanong namin at tanong din ng karamihan, tuloy pa ba ang kasal?
“Dapat matuloy. Pero hangga’t may kontrabida ‘baka’ hindi,” sagot sa amin.
Hindi naman niya binanggit kung sino iyong tinutukoy niyang kontrabida.
Basta ang tiyak, mahal na mahal at ipinaglalaban ni Vincent si Bea. At sinabing maling-mali ang mga naglalabasang balita ukol sa prenup.
Anito, sablay ang ulat na ipinadagdag umano ng ina ng negosyante sa prenup ang pagtira ng mag-asawa kapag nakasal na sa bahay ng parents ni Vincent.
Hindi raw ito totoo dahil may sariling condo ang dalawa. Katunayan may mga larawang naglabasan na mismong si Bea ang namumuno sa pag-aayos niyon na titirhan nila ni Vincent pagkatapos ng kasal.
“Mali ang information, lumabas na may condo na sila together na roon sila titira kaya hindi sila titira sa family.
“Kaya nakakapagtaka ang mga maling balita kasi may ‘nagpalabas,” sabi ng aming source.
Ukol naman sa custody ng mga magiging anak sakaling maghiwalay ang mag-asawa, sa ina pa rin mapupunta hanggang minor. At kapag nasa tamang edad na, may karapatang mamili ang mga anak kung kanino sasama.
Nag-uusap pa rin daw ang dalawa kaya nagtataka sila na may text pang kumalat na
“cancelled” ang kasal.
“Hindi namin alam bakit may ganyang text na kumalat,” anang source.
“Ang official na usapan ng couple ay “postponed,” sabi pa.
So matutuloy, urirat namin.
“Supposedly before may nag-cancel. Before may taong nag-initiate na cancel,” dagdag pa.
Pakiramdam ng aming kausap, talaga lang daw may nagkokontrabida sa relasyon nina Vincent at Bea at naniniwala siya na hindi talaga matutuloy ang kasalan hangga’t present sa eksena ang tinutukoy niyang tao.
Isa lang ang tiyak, hindi man matuloy ang kasal, very much together pa rin daw sina Bea at Vincent.
Ibig sabihin hindi pa sila tuluyang naghihiwalay bagamat nakansela ang kasal.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com