Alfred Vargas nanawagan agarang aksiyon at proteksiyon sa mga itinapong fur babies sa Bulacan

Alfred Vargas

SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez

Nanawagan si Alfred Vargas para mabigyang hustisya ang mga labi  ng mga fur baby na naiulat na itinatapon lamang sa isang pet crematorium sa halip na bigyan ng maayos na libing. 

Agarang aksiyon at proteksiyon ang hiniling ng actor/politician sa mga walang awang itinapong labi ng mga aso at pusa sa San Jose del Monte, Bulacan.

Marami ang nalungkot at nagalit sa insidenteng ito. Hindi lamang mga ordinaryong netizens, maging ang mga celebrity ay nagpahayag ng kanilang galit lalo iyong mga mahihilig at nagmamahal sa mga hayop.

Sa latest social media video ni Alfred, nagpahayag ito ng saloobin at mensahe sa kanyang mga kapwa QCitizens, pet parents, at animal lovers.

Aniya, bilang isang animal lover at pet owner, nauunawaan niya ang matinding sakit at galit na nararamdaman ng mga pamilyang naapektuhan, lalo’t ipinagkatiwala nila ang mga labi ng kanilang mga alagang hayop.

“Nakikiisa po tayo sa panawagan para mabigyan ng hustisya ang mga fur baby na natagpuan sa San Jose del Monte, Bulacan. Suportado po natin ang mbestigasyon upang mapanagot ang sinumang mapatunayang responsable,” panimula ni Alfred.

“Sa Quezon City, patuloy tayong makikipagtulungan sa mga kinauuulang tanggapan upang palakasin ang proteksiyon para sa ating mga alagang hayop at fur parents,” pagpapatuloy niya.

Naniniwala rin si Alfred na bilang animal lover, dapat lamang tratuhin ang mga hayop nang disente at may paggalang kahit patay na ang mga ito.

“Manindigan po tayo. Every fur baby deserves to be treated with love and dignity,” panawagan pa ng konsehal ng Quezon City.

Pagpapatuloy pa ni Alfred sa kanyang video message, “Bilang isang animal lover and concerned pet owner, dama ko po ang matinding sakit at galit ng bawat pamilyang nabiktima.

“Hindi lamang po sila mga alaga kundi bahagi na ng ating mga pamilya. Hanggang dulo, dapat lamang na bigyan sila ng paggalang at pagmamahal na ipinakikita sa kanila ng kanilang mga fur parent.”

Iginiit pa ni Alfred na hindi dapat palagpasin ang pangyayaring ito. “We must bring these people to justice and bring peace to the fur babies and fur parents affected.”