ni ALLAN SANCON
MATINDING intriga at kilig ang hatid ng bagong Regal Entertainment movie na Project Baby dahil sa nakagugulat na tambalan nina Sue Ramirez at Rico Blanco.
Marami ang napa-react nang ilabas ang teaser ng pelikula dahil sa kakaibang kuwento nito tungkol sa isang babaeng desperado nang magkaroon ng anak kahit wala pang asawa. Mas lalong pinag-usapan online ang tambalan nina Sue at Rico dahil ito ang unang pagkakataong magsasama sa isang romantic-comedy movie ng Regal Entertainment, Inc..
Sa pelikula, ginagampanan ni Sue ang papel ni Sandy, isang independent woman na handang gawin ang lahat para magkaroon ng baby. Agad naging viral ang kanyang linyang, “Kailangan ba ng isang babae ang boyfriend para makabuo siya ng bata?” dahil marami ang naka-relate rito.
Sa mediacon ng pelikula, diretsahang inamin ni Sue na minsan na rin niyang pinangarap na magka-anak agad. “At one point in my life, nasabi ko na iyong ‘buntisin mo na ako,’ kasi bata pa lang ako gusto ko nang magkaroon ng baby,” rebelasyon ng aktres na lalong nagpainit sa usapan tungkol sa pelikula.
Hindi rin nagpahuli si Rico na aminadong nanibago sa kanyang pagbabalik bilang leading man. Ayon sa singer-songwriter, surreal para sa kanya ang proyekto lalo’t matagal siyang hindi gumawa ng ganitong klase ng pelikula.
Kuwento niya, todo-effort siya para maging believable sa role niya bilang si Migo. Nag-work out pa siya at inayos ang kanyang image para mas bumagay sa karakter. Dahil dito, marami ang nagsasabing ibang Rico Blanco ang mapapanood sa Project Baby.
Bukod kina Sue at Rico, bongga rin ang cast ng pelikula dahil kasama rito sina Alice Dixson, Yasser Marta, Arra San Agustin, Alex Calleja, Matt Lozano, Kimson Tan, at Charuth. Dahil sa kombinasyon ng beterano at batang artista, marami ang umaasang magiging riot sa comedy at punompuno rin ng emosyon ang bawat eksena sa pelikula.
Samantala, usap-usapan din ngayon kung may “special chemistry” nga ba sina Sue at Rico kahit off-cam. Marami kasing netizens ang kinilig sa natural nilang closeness sa promotional interviews at guestings.
Bagama’t wala namang kompirmasyon tungkol dito, hindi napigilan ng fans na magbigay ng kani-kanilang reaksiyon at hirit na bagay umano ang dalawa. Kaya naman lalong tumindi ang excitement ng publiko para mapanood ang kanilang tambalan sa big screen.
Sa kabila ng intriga at kontrobersiyal na tema ng pelikula, marami ang naniniwalang magiging isa ito sa pinaka-pinag-uusapang romantic-comedy movies ngayong taon. Bukod sa kilig, tinatalakay rin ng Project Baby ang modernong pananaw sa relasyon, pamilya, at motherhood na tiyak makaka-relate ang maraming manonood.
Kaya naman todo-abang ngayon ang fans kung ano nga ba ang kahihinatnan ng ‘baby project’ nina Sandy at Migo sa pelikula.
Palabas sa June 10, 2026 sa mga sinehan.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com