CAMP NAKAR, LUCENA CITY — Hindi na nagising sa pagkakahimbing ang mag-asawang septuagenarian nang bumagsak ang isang cargo truck sa kanilang bahay sa Purok Antipolo, Barangay Gumian, Infanta, Quezon, kahapon ng umaga.
Sinabi ni Quezon Police Prrovincial Office (QPPO) Director PCol. Romulo Albacea, ang mga biktima ay itinago sa mga pangalang Lolo Anton, 74, at Lola Gracia, 70.
Sa inisyal na imbestigasyon ng Infanta Municipal Police Station dakong 5:30 ng umaga, isang truck na kargado ng livestock and poultry feeds mula Bulacan ang sinabing nawalan ng kontrol sa pagmamaneho ng isang alyas Nilo habang binabagtas ang pababang bahagi ng Marilaque Highway sa Barangay Gumian.
Bumangga sa railings ang trak na tuluyang bumulusok sa bahay ng mag-asawang senior citizens na noong oras na iyon ay nakahiga at natutulog pa.
Mabilis na nagresponde ang mga tauhan ng MDRRMO, Bureau of Fire Protection, at PNP Infanta upang maalis ang mga kargamento at marekober ang mga labi ng mga biktima na naipit sa ilalim ng trak.
Sinabi ng mga pahinante at ilang saksi sa himpilan ng pulisya, sumabog ang unahang gulong ng truck habang bumabagtas sa matarik na bahagi ng kalsada. Hindi nakatulog (gaya ng hinala ng iba) ang driver bago ang road crash.
Nasa kustodiya na ng mga awtoridad ang driver at dalawang pahinante habang nagpapatuloy ang imbestigasyon ng Infanta Police.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com