RATED R
ni Rommel Gonzales
INIHAYAG ni Matet de Leon ang nilalaman ng kanyang puso at damdamin sa recent guesting niya sa Fast Talk with Boy Abunda.
Malapit na malapit si tito Boy sa ina nina Matet, Kiko, Kenneth, at Lotlot de Leon, ang yumaong Superstar na si Nora Aunor.
Una nilang napag-usapan ang tungkol sa kontrobersiyal na mana ng mga ari-arian na naiwan ni Ate Guy.
“Eh ‘yun naman kasi ‘yung sinasabi ng tao eh na, ‘Wala kayong mana. Wala kayong karapatang pamanahan. Mabuti nga inampon pa kayo.
“‘Eh ‘yung oras para kay Ian, ibinigay pa sa inyo.
“Kaagaw na kayo ni Ian buong buhay niya. Maging masaya na kayo at binihisan, pinag-aral, at pinakain kayo,’ laging ganoon.
“Doon po parang kumulo ako. As if we’re not thankful? We’re grateful for her.
“I’m here talking with you because of my mom. I am Matet because of my mother.
“I’m grateful pero sila puro mana ang nasa isip ng mga tao.
“Respetuhin niyo naman kami kasi inaalala pa namin si Mommy.
“Hindi po namin iniisip ‘yung mana na ‘yan at wala po kaming hinihiling, wala kaming kine-claim.”
At tinapos na ni Matet ang espekulasyon at usap-usapan na may hidwaan sila nila nina Lotlot, Kiko, Kenneth, at Ian de Leon.
“Hindi ko po masabi na away, but misunderstanding.”
Naging isyu ang pahayag ni Ian sa isang interview na siya ang legal at solong tagapagmana ni Nora.
“Totoo naman po, eh.
“Totoo naman, wala namang pagdududa roon,” bulalas ni Matet.
“Kumbaga, kahit nga hindi na niya sabihin, understandable, alam na po ng lahat ‘yan.”
Nagbigay din si Matet ng paglilinaw tungkol sa sinabi ni Ian doon pa rin sa interview dito, na ikinonsulta at ipinaalam nito sa kanila (mga kapatid) ang pagtatatag niya ng One Person Corporation (OPC), na sakop ang Nora Aunor Enterprise at Nora Aunor Foundation.
Ayon kay Matet, wala itong katotohanan at hindi raw sila naabisuhan ni Ian sa mga plano nitong gawin sa naiwang assets ng kanilang ina.
“Hindi po kami kasama. And nalaman na lang po namin about the enterprise and the foundation sa social media rin po.
“Baka po ‘yung dalawang boys [Kiko at Kenneth de Leon], baka po alam nila. But kami ni Ate [Lotlot], definitely wala po.
“Hindi po kami kasama, hindi po kami nasabihan.”
Napag-usapan din nina Matet at Tito Boy ang tungkol sa magkahiwalay na paggunita nila sa 1st death anniversary ng mommy nila.
Si Ian ay nagpamisa sa puntod ni Nora sa Libingan ng mga Bayani sa Taguig City noong April 16.
May sariling pamisa rin sina Lotlot, Matet, at Kenneth para sa mommy nila sa St. John Paul II Parish sa Eastwood, Quezon City that same day na present din ang inyong lingkod.
“We chose na parang doon na lang sa medyo tahimik po.
“Because what happened last year was very, very painful for us.
“Sa mga nawalan, naiintindihan niyo na bumabalik po lahat ng nangyari noong araw na ‘yon.
“We are not ready at all to face the fans. We were not ready,” pahayag pa ni Matet.
Inimbitahan ba sila ni Ian sa pamisa nito sa Libingan Ng Mga Bayani?
“Nag-announce po kasi, may announcement po na lumabas sa social media, sa Facebook.
“Lumabas na may invitation for everybody for the mass, but personal na call or message, kami po for sure ni Ate, wala.
“So, nahiya naman kami…
“Pero siguro, a week or two before April 16, nagparating po ng message si Ian na parang, ‘Gusto niyo, rito na lang [sa Libingan ng mga Bayani]?’
“But ‘yun nga, ang reason naman is hindi kami handang humarap sa mga tao pa.”
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com