Bianca Umali proud sa  Ella Arcangel

Bianca Umali Ella Arcangel

MATABIL
ni John Fontanilla

KITANG-KITA namin ang excitement at sobrang pagka-proud ni Bianca Umali sa kanyang pelikulang Ella Arcangel: Awit ng Pangil at Kuko.

Inilarawan ni Bianca si Ella bilang isang ordinaryong Filipina na may kayumangging balat, pango ang ilong, at taglay na napakalaking kakayahang tumulong sa kapwa.

Ang  Filipino fantasy-horror animated film ay nagsisilbi ring unang pagsabak ni Bianca sa voice acting. Siya ang nagbibigay-buhay sa tinig ni Ella.

Si Ella ay isang 12 years old  na mambabarang na nakikipaglaban sa masasamang espiritu sa daigdig ng mga espiritu at sa pisikal na mundo, sa gitna ng kampanya ng pamahalaan laban sa ilegal na droga.

Dagdag pa na si Ella ay isang ordinaryong Filipina na may kayumangging balat, pango ang ilong, at taglay ang napakalaking kakayahang tumulong sa kapwa.

Inilarawan ni Bianca ang pelikula na, “hindi lamang bilang isang mahalagang tagumpay sa mundo ng sine, kundi bilang isang proyektong binuo ng puso ng mga dedikadong creator at producer nito.”

Kung ilang beses na ring gumanap si Bianca bilang isang bayani. Ilan nga sa role na ginampanan nito na isa siyang nagapagligtas ay ang papel ni Terra, ang mapangahas na tagapagtanggol na may kapangyarihang kumontrol sa lupa sa seryeng Encantadia Chronicles: Sang’gre, gayundin ang matapang na mandirigmang si Lawiswis sa Mulawin vs. Ravena noong 2017.

Ayon kay Bianca, hindi kailangang sumunod sa isang partikular na pamantayan upang maging bayani.

“Hindi po natin kailangang maging matangkad, maganda, malakas, o strong para po tayo ay maging superheroes in our own way,” sabi pa ni Bianca.