ni Allan Sancon
MULING nabuhay ang nakatatakot na alaala at iconic moments ng pelikulang Shake, Rattle & Roll sa pakikipagtulungan ng Regal Entertainment at BingoPlus, na ngayon ay nagdadala ng mga paboritong horror characters sa mundo ng digital gaming.
Sa katatapos na launching ng Shake, Rattle & Roll x BingoPlus, muling binalikan ang mga eksenang tumatak sa kamalayan ng mga Pinoy, kabilang ang mga iconic na kontribusyon nina Janice de Belen at John Lapus sa naturang horror franchise.
Isa sa mga hindi malilimutang pelikula sa unang Shake, Rattle & Roll noong 1984 ang episode na “Pridyider,” na ginampanan ni Janice ang karakter na hanggang ngayon ay naaalala pa rin ng mga manonood.
Bagama’t apat na dekada na ang lumipas, nakagugulat na nananatiling buhay sa alaala ng mga Pinoy ang takot na hatid ng naturang kuwento.
Aminado si Janice na hindi niya inakalang mananatili sa isip ng publiko ang pelikula sa kabila ng mahabang panahong lumipas. Aniya, akala niya ay tuluyan nang malilimutan ng mga tao ang Pridyider dahil tapos na ang pelikula at matagal na itong naipalabas.
Ngunit sa tuwing may lumalapit sa kanya upang sabihing napanood nila ito at talagang natakot sila, napagtanto niyang malaki pala ang naging epekto ng pelikula sa mga manonood.
“It’s been so long since the movie was made. I thought people had already forgotten about it. But people would come up to me and tell me they watched ‘Pridyider’ and were scared. I thought, ‘Oh, it really made an impact!’ I thought what people would remember was ‘Anak ni Janice,’ but ‘Pridyider’ has stayed with them, too,” pahayag ni Janice, na ikinatuwa ang patuloy na pag-alala ng publiko sa kanyang naging papel sa horror classic.
Hindi lamang si Janice ang may iniwang marka sa Shake, Rattle & Roll. Maging si John ay may iconic na linyang hanggang ngayon ay ginagamit at naaalala ng mga tagahanga. Sa pelikulang Shake, Rattle & Roll 11 noong 2009, tampok siya sa episode na “Ukay-Ukay,” na binitiwan niya ang linyang naging bahagi na rin ng popular na kultura: “Fashion designer ako, gown ka lang!”
Sa launching, muling binigkas ni John ang kanyang sikat na dialogue ng may buong damdamin, dahilan upang sariwain ng mga nakasaksi ang aliw at personalidad na hatid ng kanyang karakter.
Hindi lang ito simpleng nakatatawang linya dahil, sa paglipas ng panahon, nagkaroon din ito ng sariling buhay sa labas ng pelikula at naging paboritong biruan sa mundo ng fashion.
Ayon sa kuwento ni John, nagagamit din ngayon ang kanyang iconic line ng ilang fashion designer sa Pilipinas kapag nai-stress na sila sa paggawa ng mga gown at hinahabol ang kani-kanilang deadlines. Sa halip na puro reklamo, nagiging paraan ang naturang linya upang maibsan ang tensiyon sa trabaho—patunay na may mga dialogue na hindi lamang tumatatak sa pelikula kundi nagiging bahagi rin ng pang-araw-araw na buhay.
Sa muling pagbabalik ng Shake, Rattle & Roll sa pamamagitan ng pakikipagtulungan ng Regal Entertainment at BingoPlus, malinaw na hindi basta-basta nawawala ang mga karakter, eksena, at linyang naging bahagi ng kulturang popular ng mga Filipino. Mula sa nakatatakot na ‘Pridyider’ ni Janice hanggang sa nakatatawang “Fashion designer ako, gown ka lang!” ni John, patuloy na pinatutunayan ng franchise na ang tunay na iconic na pelikula ay hindi lamang nagbibigay ng takot o aliw—nag-iiwan din ito ng mga alaalang tumatagal kahit ilang dekada na ang lumipas.
