RUMATSADA sa huling rekta si Auto Cruise sa gabay ni hinete Pat Delima upang masungkit ang kampeonato sa ika-25 Klub Don Juan de Manila (KDJM) Derby nitong Linggo, Oktubre 25 sa Philippine Jockey Club (PJC) sa Padre Garcia, Batangas.
Tinapos ni Auto Cruise ang 1,800 metrong karera sa tiyempong 1:52.4, matapos pataubin ang mga karibal na Thunder Strike, Silver Horizon, Gallant King at iba pang de-kalibreng kabayo.
Maingat na naghintay si Delima bago pinakawalan ang matinding ratsada ni Auto Cruise sa huling kurbada hanggang sa tuluyang lumayo sa mga humahabol.
“Sobrang sarap sa pakiramdam na makuha itong 25th KDJM Derby. Lumaban talaga si Auto Cruise hanggang sa dulo at ibinigay ang lahat sa rektahan,” pahayag ni Delima.
Nagdiwang ang buong koponan sa makasaysayang panalo na lalong nagpatibay sa puwesto ni Auto Cruise bilang kabayong dapat bantayan sa mga susunod na malalaking karera. (HNT)
