ALAM MO NA!
ni Nonie Nicasio
ANG kilalang OPM artist na si Jojo Mendrez ay bibigyang-buhay ang minamahal na klasikong kantang Filipino na “Yakap” na unang pinasikat ni Junior noong 1979.
Sa pamamagitan ng kanyang madamdamin at natatanging estilo, hatid ni Mendrez ang isang makabago at may pusong interpretasyon na muling nagpapakilala sa walang kupas na awitin sa bagong henerasyon ng mga tagapakinig.
“It is a dream song for me, Star Music selected the track during one of our meetings and said it suited me perfectly. I also expressed my wish to have Jonathan Manalo arrange it and they made it happen,” pahayag ni Jojo na kilala rin bilang “The Revival King.”
Swak sa bansag na naging mas kilala siya, nakabuo si Mendrez ng matibay na reputasyon sa kanyang estilo na muling pagbuhay ng mga iconic na OPM hits.
Kabilang sa mga kilalang remake niya ang “Tuyo Na’ng Damdamin” ng Apo Hiking Society, na isa siya sa unang nag-reinterpret at kinanta niya ito sa Eat Bulaga. Ang ilan pang classics na ni-reimagined niya ay ang “Magkabilang Mundo” (originally by Jireh Lim), “Sana,” at “Handog” by Florante, na ang version ni Jojo ay nagkamit ng Revival Song of the Year honors sa 11th Star Awards for Music ng PMPC.
Ang kanyang hindi malilimutang rendition ng “Somewhere in My Past,” na orihinal na kinanta ng dating child star na si Julie Vega and composed by Mon del Rosario, ay nananatiling isa sa standout performances ni Mendrez. Ang nasabing awitin ay naging viral na nakapagtala ng higit 50 million views sa social media. Sa lalo pang pagpapalawak ng kanyang repertoire, si Jojo ay ni-revive rin ang international hit na “Valentine” ni Jim Brickman.
Nakatakda siyang mag-release ng panibagong remake, ang kantang pinamagatang “Boy” na originally ay mula kay Timmy Cruz na composed by Mon del Rosario. Kasama rin sa aabangan sa kanya ang interpretations niya ng “Bakit Ba Ganyan” (ni Dina Bonnevie), “Tamis ng Unang Halik” (by Tina Paner), at “Pangako” ng Kindred Garden.
Bukod sa revival songs, si Mendrez ay patuloy na nagre-record ng mga original music. Kabilang dito ang “Basta Ikaw” composed and arranged by the late Andrei Dionisio, pati na ang “Diwa ng Pasko”, “Kahit Sandali”, at “Mula Nang Mawala’y Sayo”. Isinulat din niya ang “Minahal Kita” featured ito sa kanyang debut album na pinamagatang “Inspirasyon” at distributed ng Ivory Records.
Si Jojo ay nagpahayag din ng pasasalamat sa Star Music sa pagsuporta sa kanyang mga original na awitin, kasama rito ang “Nandito Lang Ako” at ang kanyang hit song na “Ngayong Pasko’y Ikaw Pa Rin” na parehong isinulat ni Jonathan Manalo.
Ang Yakap, na inareglo ni Tommy Katigbak, produced by Jonathan Manalo at ini-release sa ilalim ng Star Music, ay available na ngayon sa lahat ng major digital streaming platforms.
Bukod sa musika, si Mendrez ay nananatiling aktibo sa social media, na siya ay kilala rin sa tawag na “Super Jojo” dahil sa kanyang pambihirang generosity at ang madalas na niyang nakaugalian na ginagawang pagse-share o pagbabahagi ng blessings sa kanyang mga tagahanga at masusuwerteng followers.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com