MAY pagbabago sa lineups ng 2026 Volleyball All-Star Showcase na gaganapin sa Mayo 1 sa Candon City Arena, kung saan may tatlong bagong manlalaro na papalit sa mga umatras.
Opisyal nang isinama sina Kim Malabunga at Ysay Marasigan ng Criss Cross, kasama si Jared Schnake ng AEP-Cabstars, bilang kapalit sa mga orihinal na napiling manlalaro para sa event ng Spikers’ Turf.
Papalitan ni Malabunga si JP Bugaoan ng Savouge sa Team Power, habang si Marasigan ang hahalili kay Edward Camposano. Samantala, si Schnake ang kapalit ni Sherwin Caritativo. Ang tatlong manlalaro ay umatras dahil sa personal na dahilan, na iginalang naman ng liga.
Sa kabila ng adjustments, nananatiling malakas ang Team Power. Pangungunahan ito ng mga standouts ng Criss Cross na sina Jude Garcia, Adrian Villados, Noel Kampton, Lloyd Josafat, at Menard Guerrero, kasama si Louie Ramirez ng Savouge. Gabay sa kanila si head coach Sydney Calderon.
Malalim din ang kanilang bench na binubuo nina EJ Casaña at Vince Lorenzo (AEP-Cabstars), Billie Anima at JM Ronquillo (Alpha Insurance), Jaron Requinton (Criss Cross), at Jayvee Sumagaysay (VNS Always Bright Laticrete).
Samantala, aasahan ng Team Passion ang kombinasyon ng talento nina Nico Almendras, John Philip Pepito, at Gian Glorioso ng Criss Cross, kasama sina Mfena Gwaza at Jay Rack De La Noche ng AEP-Cabstars, at si Cian Silang ng Alpha Insurance. Pamumunuan sila ni coach Tai Bundit.
Sa kabila ng mga huling pagbabago, inaasahang magiging kapanapanabik pa rin ang All-Star game dahil sa dami ng talento mula sa liga. (PVL/HNT)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com