AKSYON AGAD
ni Almar Danguilan
MAY nagaganap nga bang nepotismo sa Bureau of Customs (BOC) sa ilalim ng pamumuno ni Commissioner Ariel Nepomuceno?
Naitanong lang naman natin ito dahil sa reklamong pagtatalaga (daw) sa isang opisyal sa Aduana na sinabinh kaanak ni Comm. Nepomuceno daw. Pinsan lang naman daw ni Commissioner ang itinalaga sa isang key position. Gaano kaya ito katotoo?
Ano sa palagay ninyo, may malinaw bang nangyaring labag sa prinsipyo ng nepotismo sa ahensiya? Para pinsan lang naman iyong itinalaga e, tapos nepotismo na? Hindi ha! Kayo naman paanong naging nepotism iyon? Hehehehe.
Ano pa man, sa reklamo lang naman na nakarating sa opisina ni Finance Secretary Frederick Go mula sa isang grupo ng mga kawani at stakeholders, kinuwestiyon ang Customs Personnel Order na nilagdaan daw mismo ng Customs Chief. Itinatalaga lang naman daw ang pinsang si Intelligence Officer 3 Paul Oliver Nepomuceno – Pacunayen. Ang posisyon lang naman ay Field Station Chief ng Customs Intelligence and Investigation Service sa Port of Manila.
Kayo naman, masyado kayong tampururot – para itinalaga lang ang pinsan upang magkaroon ng mas magandang trabaho at makatulong sa bureau ay kinukuwestiyon n’yo na. Hehehe…teka, how sure naman kayo na magpinsan ang dalawa? Baka nagkataon lang ang kanilang apelyidong Nepomuceno? Oo nga naman. Hehehe…what a coincidence ‘ika nga!
Heto ang pinagbasehan ng reklamo – nakasaad daw sa ilalim ng 1987 Constitution, ang anomang civil service appointments ay dapat nakabase sa merito at kakayahan at hindi sa personal o familial relationships.
And there’s more pa raw…malinaw din sa rules ng Civil Service Commission na pinagbabawalan ang appointing authority na bigyan ng paborableng appointment o puwesto ang kaanak na nasa loob ng “third degree of consanguinity” o “affinity”
At heto pa…heto pa…sa ilalim pa ng Anti Graft and Corrupt Practices Act, ang public officers ay hindi dapat nagbibigay ng unwarranted benefits o pabor sa kanilang kamag-anak.
Kaya anang grupong nagreklamo, ang pagkatalaga kay Pacunayen bilang hepe ng CIIS-POM ay kuwestiyonable dahil kamag-anak siya ng Customs chief. Inuulit ko ha, magpinsan nga ba ang dalawa? Hehehe
Para naman sa kaalaman ng my dear Filipino people este mga kababayan, ang Port of Manila lang naman ang ikalawa sa pinakamalaki at pinakakritikal na international gateway sa bansa at dito nagaganap ang higit sa kalahati ng global trade.
Sa reklamo, ipinuntirya pa na ang pagkakatalaga kay Pacunayen ay may epekto sa revenue protection, border enforcement at sa tiwala ng publiko sa BOC. Ganoon ba?
Inireklamo at kinuwestiyon din ng grupo ang pag-demote sa isa pang opisyal ng BOC na si Troy Tan na mula sa pagiging Intelligence Officer 3 ay naging Intelligence Officer 1. Paano daw kasi, sa kabila ng demosyon, hayun ang suweldong tinatanggap ni Tan ay parehong sahod pa rin kung saan sinasabi ng grupo na isa itong malinaw na paglabag sa CSC Rules patungkol sa hierarchy. Totoo ba ito Comm. Nepomunceno?
Katunayan, noon pang Disyembre 2025 nang ihain ang reklamo sa Department of Finance, subalit hanggang ngayon ay hindi pa ito naaaksiyonan. Bakit kaya? Wala naman sigurong basbas ang DOF sa pagtatalaga kay “pinsan” sa mas magandang posisyon? Wala naman siguro ‘di ba Sir Comm.Nepomuceno? At baka naman nakaligtaan lang ng DOF ang iyong reklamo. Follow-up pa more sa Finance. Hehehe (30)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com