AKSYON AGAD
ni Almar Danguilan
PINAGHAHANDAAN na ng Ombudsman na sampahan ng kasong plunder si dating House Speaker Martin Romualdez. Goodnews ba ito o isa lang pakeme? Kaya lang ay isinama sa kaso ng Ombudsman na pinamumunuan ni Boying Remulla, si Senator Chiz Escudero. Ganoon ba? Ang tanong, nasaan ang ebidensiya ng yaman para maisama sa plunder si Escudero?
Sa ilalim ng Republic Act No. 7080 o Anti-Plunder Act, hindi puwedeng basta-basta mag-akusa. Kailangan may ill-gotten wealth, o yaman na nakuha at naipon mula sa ilegal na paraan at hindi maipaliwanag ang pinagmulan.
Kung walang ganitong ebidensiya, walang plunder.
Klaro sa batas na kailangang may aktwal na pagkamal ng yaman. Hindi sapat ang haka-haka o paratang lamang. Dapat may ebidensiya ng “actual enrichment.”
Sa mga lumabas na alegasyon, walang malinaw, direkta, at konkretong ebidensiya na nagpapakitang personal na nakinabang si Escudero. Walang bank trail, walang biglaang ari-arian, at walang dokumentong nag-uugnay sa kanya sa anumang ilegal na kita.
Sa kabilang banda, si Escudero pa ang isa sa mga unang nagbunyag ng mga iregularidad ni Romualdez. Ayon kina Department of Public Works and Highways (DPWG) Secretary Vince Dizon at Senate Blue Ribbon Chairman Ping Lacson, naging laganap ang ghost projects noong 2023 at 2024. Ito ang panahong si Romualdez pa ang Speaker. Samantala sa Senado, si Senator Migz Zubiri pa ang Senate President noon, hindi si Escudero.
Kung titingnang maigi ang timeline, wala si Escudero sa sentro ng mga anomalya sa national budget. Sa panahong iyon, tinawag pa nga ng mga kritiko ang budget bilang pinaka-corrupt sa kasaysayan, at si Romualdez ang tinutukoy bilang utak nito pero pinabulaanan naman ito ni Romualdez.
May mga ulat din hinggil sa mga ari-arian ni Romualdez. Kabilang dito ang mansiyon sa Sotogrande, Spain na nagkakahalaga ng P444.5-P471.8 milyon, at property sa Dover, Massachusetts na umaabot sa $2.24 milyon o P130.5 milyon. Mayroon pa siyang estates sa Forbes Park at Amanpulo luxury villa. May matibay na basehan ang plunder laban kay Romualdez kung pag-iigihin ang imbestigasyon.
Kung ganoon, bakit kailangang idawit si Escudero? Sinisikap bang palabnawin ang kaso laban kay Romualdez? Kung malakas ang ebidensiya laban sa isa, bakit mahina sa isa pa? May inaasahang resulta ba na kapag napawalang-sala ang isa ay madadamay ang isa?
May sinabi rin ang Ombudsman na nagsimula ang anomalya noong panahon ni dating House Speaker Lord Allan Velasco. Para sa marami, tila pinapalawak lamang niya ang timeline upang lumiit ang pananagutan ng mga kasalukuyang personalidad, lalo na si Romualdez.
Sa huli, ang tanong, hustisya ba ang hinahanap, o may ibang layunin?
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com