
ni ALMAR DANGUILAN
KINOMPIRMA ng Department of Social Worker and Development (DSWD) na isang motorcycle (MC) taxi rider ang nasawi habang nakapila sa payouts center sa Quezon City Memorial circle nitong Sabado.
Ayon kay DSWD spokesperson, Assistant Secretary (ASec) Irene Dumlao, ang namatay ay isang 44-anyos rider, residente sa Pasig City.
Aniya, inatake sa puso ang rider habang matiyagang nakapila para sa ayuda sa Quezon City Memorial Circle nitong Sabado, 18 Abril.
Agad umanong binigyan ng first aid at Cardiopulmonary Resuscitation (CPR) pero wala na itong pulso at hindi na rin humihinga.
Isinugod pa ang rider sa pinakamalapit na ospital ngunit idineklarang dead on arrival.
Sa isang text message, nagpahayag ng matinding kalungkutan ang pamunuan ng DSWD sa insidente.
Ani Dumlao, personal na nagpaabot ng pakikidalamhati si DSWD Secretary Rex Gatchalian sa pamilya ng namatay.
Ayon sa kalihim, agad nakipag-ugnayan ang DSWD sa ospital, pamilya ng driver, at employer nito matapos matanggap ang ulat mula sa Quezon City response team.
Agad din nag-utos si Gatchalian ng isang team para tumulong sa pamilya, at personal pa siyang bumisita at nakiramay sa ospital nitong Linggo ng umaga upang alamin ang kanilang pangangailangan.
Nagkaloob na rin ng tulong ang ahensiya para sa gastusin sa ospital, funeral, at burial arrangements, transportasyon ng mga kapamilya, at pagpapatuloy ng pag-aaral ng anak na babae ng namatay na driver.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com