HARD TALK
ni Pilar Mateo
HINDI ligtas. Kahit pa sabihing may mataas na katungkulan sa pamahalaan ang aktor din na si Alfred Vargas, dumaraan din ito sa hagupit ng buhay.
Na sa pagkakataong ito, ang kanyang anak ang biktima.
Pambu-bully ng isa ring menor de edad.
Durog ang puso nina Alfred at maybahay nitong si Yasmine nang matuklasan ang pinaggagagawa ng kasama ng anak sa training nito sa paglangoy.
Kaya nagsampa sila ng kaso sa mga magulang ng bata. Sa tanggapan ng City Prosecutor sa Maynila sa ilalim ng RA 7610, ang Special Protection of Children Against Abuse Act.
Na-trauma ang kanilang anak sa paulit-ulit na pagtulak umano sa pool at paghawak sa ilalim ng tubig ng kasama niyang bata.
Gustong ipaalam ng mag-asawang Alfred at Yasmine na may pananagutan ang mga magulang ng gumawa nito sa kanilang anak, na hindi dapat ipagsawalang bahala.
Very proud sina Alfred at Yasmine sa kanilang anak sa husay na nito sa paglangoy.
Hindi na ito laro lang ng mga bata. Lalo at may nasasaktan na. Hagupit para kina Alfred at Yasmine. At hagupit din naman sa kanilang anak.
Kaya hintayin na lang ng mga inireklamo ang magiging hagupit din sa kanila ng hustisya at konsensya!
Sa kabilang banda, pumalag ang aktor na si Rob Sy hinggil sa kasong isinampa sa kanila nina Alfred at Yasmine kaugnay sa umano’y pambu-bully ng kanyang anak.
Sa pamamagitan ng Facebook post, sinabi ni Rob na, “Sobrang sakit bilang Magulang na maakusahan ang aking 8-Year-Old na Anak lalo na’t Hindi Totoo at Malinaw na Binaliktad ang Naratibo. Tama na!!! Sobra Na!!! Labis na ang Paninira.”
Nanindigan din ang aktor na sa kabila ng kanilang estado, gagawin nila ang lahat para ipaglaban ang katotohanan.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com