ni Allan Sancon
UMANI ng matinding usap-usapan si Ian de Leon matapos diretsahang aminin ang kanyang papel bilang nag-iisang legal na tagapagmana ng Superstar at National Artist na si Nora Aunor.
Sa isang panayam, walang paligoy-ligoy niyang inilahad ang bigat ng responsibilidad na pinasan, isang papel na hindi lang tungkol sa ari-arian kundi sa pagpapanatili ng isang napakalaking pamana sa industriya.
“I am, legally speaking, the sole heir of mom, but, of course, the responsibility holds me accountable for many things… like her movies and her body of work… and also managing all those people who truly love her,” aniya.
Mula sa mga pelikula hanggang sa musika, aminado siyang hindi biro ang paghawak sa iniwang yaman ng kanyang ina, lalo’t milyon-milyong tagahanga ang nakamasid.
Hindi nag-aksaya ng oras si Ian. Agad niyang itinayo ang Nora Aunor Enterprise at Nora Aunor Foundation, dalawang organisasyong may iisang layunin: buhayin at palawakin ang alaala ng Superstar. Ang Enterprise ang hahawak sa mga proyektong pangkomersiyo tulad ng museum exhibits, musicals, fan conventions, concerts, merchandising, at maging docu-series na inaabangang ilabas.
Samantala, ang Foundation ang magsisilbing puso ng kanyang adbokasiya. Rito dadaloy ang mga outreach at social projects para maipagpatuloy ang malasakit ni Nora sa kapwa.
Ayon kay Ian: “The two have symbiotic relationship with each other. The Enterprise is for profit and the Foundation is for non-profit. Whatever revenue that we make from the Enterprise will go to the outreach for social projects.”
Isang malinaw na patunay na hindi lang negosyo ang layunin, kundi serbisyo.
Sa gitna ng lahat, nilinaw ni Ian ang isang sensitibong isyu, ang relasyon niya sa kanyang mga kapatid na sina Lotlot, Matet, Kiko, at Kenneth.
Sa kabila ng pagiging “sole heir,” mariin niyang sinabi: “My responsibility here does not exclude them or erase them from any family relationships.”
Ibig sabihin, legal na papel lamang ang kanyang hawak—hindi nito binubura ang pagiging pamilya ng mga kapatid.
Si Ian ay anak ni Nora sa dating asawang si Christopher de Leon, at mula nang pumanaw ang Superstar noong Abril 2025, siya ang nagpunta sa sentro ng usapan pagdating sa pamamahala ng iniwang legacy. Mula noon, bawat hakbang niya ay binabantayan, lalo na’t usapin ito ng isa sa pinakamalalaking pangalan sa kasaysayan ng showbiz.
Sa huli, isang matapang at emosyonal na pahayag ang iniwan ni Ian: “To fast-track the legacy management of mom… I took on this responsibility for the sake of mom. It’s not for myself… it’s for her.”
Isang linya na tila nagsisilbing paalala, na sa likod ng kontrobersiya at intriga, isang anak lang ang gustong siguraduhin na hindi kailanman malilimutan ang kanyang ina.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com