ni ALMAR DANGUILAN
SUNOG NA SUNOG ang bangkay nang matagpuan ang dalawang menor edad at ang 49-anyos na babae
sa hinihinalang kaso ng arson nang silaban ng helper ang tindahan ng liquefied petroleum gas (LPG) sa Barangay Pasong Tamo, Quezon City nitong Linggo ng madaling madaling araw, 12 Abril 2026.
Kinilala ang mga biktima na sina Mary Jane Dongallo Oraño, 49, walang asawa; isang 11-anyos na si alyas CL, at alyas TL, 9, parehong Grade 3 pupil, pawang residente sa 15-C Durian St., Area 7, Brgy. Pasong Tamo.
May pinsalang 3rd degree burn, ang may-ari at manager ng Adriano LPG Store na si Adriano Duque Leonaras, 56; at ang suspek na isang Joross Improgo, 21 anyos, pamangkin ng una ay dinala at kasalukuyang nakaratay sa East Avenue Medical Center (EAMC).
Batay sa inisyal na imbestigasyon nina P/Cpl. Benito Catungal, Jr. at P/SSg. Jordan Barbado ng Criminal Investigation and Detection Unit – Quezon City Police District (CIDU-QCPD), dakong 3: 50 ng madaling araw nang sadyang sunugin ng lasing na helper ang LPG store.
Bago ang insidente, sinabing nagkaroon ng matinding alitan ang magtiyuhing sina Leonaras at ang helper na si Improgo. Narinig ng mga kapitbahay ang pagbabanta ng huli na pasisingawin ang mga tangke ng LPG at susunugin ang tinutuluyan nito.
“Pasisiritin ko ‘tong mga gasul at susunugin ko itong bahay na ito,” galit na sinabi umano ng helper.
Matapos ang ilang saglit ay sumiklab na ang apoy at nang maapula dakong 4:39 ng madaling araw ay natagpuan ang mga bangkay ng mga biktima sa loob ng tindahan ng LPG.
Inihahanda na ang kasong Arson at mga kaso ng Homicide na isasampa laban sa helper.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com