AKSYON AGAD
ni Almar Danguilan
Planong sampahan ng kasong Plunder ng Office of the Ombudsman na pinamumunuan ni Boying Remulla, si Senator Chiz Escudero. Sa estilong ito, hindi maiwasan na isipin ng marami na ang pagsasampa ng plunder kay Chiz ay isang taktika lamang. Nino? Isa bang taktika ito ni Ombudsman Remulla?
Ipinalalagay na isa lamang taktika ang hakbangin para ipadama ng Ombudsman sa madla na patas at balanse ang proseso ng hustisya. At siyempre sa gimik na ito ay madaling tanggapin ng publiko at maiiwasan ang pagdududa ang posibleng pag-absuwelto kay dating House Speaker Martin Romualdez.
Sa gitna ng mainit na usapin, si Romualdez ang pangunahing tinatamaan ng kontrobersiya sa flood control corruption at ito rin naman ang paniniwala ng karamihan ng mga Filipino, at ayon pa sa mga nakapapansin, hindi na siya maipagtatanggol ng kanyang mga tagasuporta, kabilang ang Ombudsman mismo. Alam din natin na bumagsak ang trust and performance ratings ni Pangulong Bongbong Marcos dahil sa patuloy na pagtatakip para kay Romualdez mula pa sa simula.
Ngunit tila nakakita ng paraan ang ahensiya upang mailigtas ang fraternity brother ni Boying na si Romualdez. Ano iyon? Ito ay sa pamamagitan ng pagbuo ng kaso na magmumukhang mas malawak ang saklaw at pananagutan. Dito na isinasama si Escudero, dahil kung si Romualdez lamang ang sasampahan ng kaso, masyadong magiging direkta ang bigat ng kaso.
Sa ganitong pakuwela, kakasuhan ang dalawa, at ipawawalang-sala ang senador habang kasabay na mabibigyan ng daan ang pag-absuwelto sa kongresista. Dahil dito, nagiging instrumento (o sakripisyo) lamang si Escudero para magmukhang lehitimo ang proseso.
Kung pagbabasehan ang mga naunang ulat, lumalabas na walang basehan ang pagkakadawit kay Escudero dahil hindi siya kabilang sa mga pinangalanan ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) at Department of Public Works and Highways (DPWH), at si Romualdez lamang ang lumilitaw na pangunahing tinutumbok.
Pinagdududahan din ang alegasyon ng sabwatan sa pagitan nina Escudero at Romualdez, lalo na’t magkaiba ang kanilang posisyon at papel sa budget process at hindi tugma ang kanilang political alignment.
Dagdag pa rito, si Escudero pa nga ang isa sa mga unang nagbunyag at nagtanong tungkol sa mga anomalya sa national budget, kabilang ang flood control insertions.
Ayon kina Senator Ping Lacson at DPWH Secretary Vince Dizon, ang ghost flood control projects ay lalo pang lumala noong 2023 at 2024.
Ibig sabihin, sa panahong iyon ay wala si Escudero sa posisyon ng kapangyarihan. Hindi siya Senate President dahil si Senator Migz Zubiri pa ang nakaupo, at hindi rin siya ang may hawak ng budget process sa Senado dahil si Sonny Angara ang chairman ng Senate Committee on Finance noon.
Kung pagbabasehan naman ang sinasabi ni Ombudsman Boying na may anomalya na noon pang panahon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, si Lord Allan Velasco pa ang House Speaker noon habang si Senate President Tito Sotto naman ang katapat nito sa Senado.
Sa ganitong konteksto, masasabi natin na wala talagang lohika ang alegasyon ng conspiracy sa pagitan nina Escudero at Romualdez. Sa halip, mas lumalabas na magkaaway ang dalawa, at si Escudero pa nga ang unang naglantad ng mga isyu sa paggastos ng national budget na kinasasangkutan ni Romualdez.
Hindi dapat naglalatag ng paratang kung hindi tugma sa aktuwal na ebidensiya at timeline. Kapag hindi akma sa records, nawawala ang kredibilidad ng kaso.
Kung ang pangalan ay idinadagdag lamang para magmukhang patas ang proseso, hindi ito paghahanap ng katotohanan kundi paglihis sa tunay na pananagutan.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com