AKSYON AGAD
ni Almar Danguilan
NALALAGAY na naman sa sentro ng usapin ang Bureau of Customs (BOC) sa ilalim ni Commissioner Ariel Nepomuceno. Paano kasi’y tila sunod-sunod na nagbibitiw sa puwesto ang matataas na opisyal ng ahensiya kung saan isa itong pangyayaring nagbubukas ng mahahalagang tanong hinggil sa pamumuno, integridad ng institusyon, at kakayahan nitong magpatupad ng tunay na reporma.
Napag-alaman kasi na may isa na namang opisyal ang nakatakdang magbitiw. Hala, bakit kaya? Anyare BOC? Kapag nagkataon, siya ang ikalawang mataas na opisyal na umalis ngayong taon kasunod ni Michael Cristobal Fermin, na nagbitiw dahil daw sa “personal at security reasons.”
Dahil dito, hindi maiiwasan ang pag-usbong ng haka-haka sa ganitong mga pangyayari —- sa isang ahensiyang matagal nang iniuugnay sa parehong malaking kita at kontrobersiya kaya ang bawat pagbabago sa liderato ay agad sinusuri ng publiko.
Ang tanong, may kinalaman kaya ito sa isyu ng smuggling sa loob? Hindi naman siguro – bagama’t hindi pa ito napapatunayan.
Ano pa man, hindi maaaring ipagsawalang-bahala ang pattern ng sunod-sunod na pagbibitiw. Hindi kaya ang pangyayari ay isang indikasyon na may umiiral na mas malalim na hamon sa loob ng organisasyon? Ano sa tingin ninyo kayong mga taga-BOC? Nagtatanong lang po tayo ha.
Hindi naman lingid sa atin kaalaman na matagal nang suliranin ng BOC ang smuggling—isang isyung paulit-ulit na sinusubukang tugunan ng iba’t ibang administrasyon, ngunit nananatiling komplikado at mahirap resolbahin.
Teka, hindi naman kaya mayroon nangyayaring internal resistance sa loob ng ahensiya, kaya tila hindi sapat ang reporma sa liderato lamang? Ano sa palgay niyo? Ops, nagtatanong lang ulit tayo ha at hindi nag-aakusa. Kasi ang dapat ay kailangan din ang pagbabago sa kultura at sistema na matagal nang nakaugat dito.
Ano ba talaga ang nangyayari sa loob ng Aduana ngayon, ba’t may mga opisyal na isa-isa nang nagkakalasan sa kasalukuyang liderato?
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com