ni Allan Sancon
MULING magsasama sina Kim Molina at Jerald Napoles sa Filipino adaptation ng Korean hit na Wonderful Nightmare na idinirehe ni RC Delos Reyes.
Gagampanan ni Kim ang papel ni Atty. Ma. Luisa “Lui” Manuel, isang malamig at matagumpay na abogado na biglang masasadlak sa isang kakaibang sitwasyon matapos maaksidente. Mula sa marangyang buhay, mapipilitan siyang mamuhay bilang isang simpleng maybahay sa loob ng isang buwan.
Sa kanyang bagong buhay, siya ay asawa ni Julian (Jerald), isang ordinaryong empleado, at ina ng dalawang anak—si Jaja (Althea Ruedas), isang teenager na may pagka-rebelde, at ang bunsong si Justin (Archilles Wenceslao).
Kasama rin sa pelikula sina Al Tantay, Candy Pangilinan, Krissha Viaje, Jaycee Parker, Yumi Lacsamana, Quinn Carillo, at Divine Aucina.
Sa katatapos na media conference ng nasabing pelikula ay kinompirma rin nina Kim at Jerald ang kanilang kasal sa Marso 2026. Gaganapin ito sa Pilipinas, sa isang kalapit na probinsya at hindi sa Manila, at lalong inaabangan ang gown ni Kim na ididisenyo ng fashion designer na si Mak Tumang.
Ipalalabas na ang Wonderful Nightmare sa February 25 in Cinemas nationwide under Viva Films.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com