HARD TALK
ni Pilar Mateo
IBANG atake rin ang ginawa ng producer ng Nathan Studios na si Sylvia Sanchez para sa pelikulang Topakk na tinatampukan ng anak na si Congressman Arjo Atayde.
Ecstatic ang nanay. At producer.
Masasabing internationally acclaimed Pinoy action film na ang Topakk dahil naipalabas na ito sa Cannes at nag-premiere na rin sa Locarno.
Kaya ang sabi ng nanay, ng producer, “it’s coming home.” And it is coming home ngayong Pasko sa mga sinehan all over the country. Dahil kasama ito sa sampung pelikulang itatampok sa MMFF 2024 (Metro Manila Film Festival).
Sabi nga nang ilunsad ang pelikula, “Damay-damay na ito!”
May ilan ng nakapanood nito ng buo. At sa ibinahaging teaser/trailer, iisa ang sinasabi ng mga nakasaksi na magiging strong contender for Best Actor si Arjo.
Sinamahan din siya sa paglalakbay na ito ng mga co-star na sina Julia Montes, Sid Lucero, Enchong Dee, Kokoy de Santos, Levy Ignacio, Paolo Paraiso, Vin Abrenica, Jeffrey Tam, Maureen Mauricio, Anna Feo, at marami pa.
Making waves internationally and locally, ito ang ikinatataba ng puso ni Sylvia. Na pinagtuunan na ng pansin ng mga manonood sa ibang bansa at ngayon sa atin ng mga kababayan.
Action-packed thriller ang Topakk na katulong ng Nathan Studios ang Fusee at Strawdogs.
Inikutan ni Direk Somes ang Topakk sa istorya ng isang dating special forces operative battling with PTSD (post traumatic stress disorder), na naging security guard sa isang abandonadong warehouse. Na magku-krus ang landas sa magkapatid na tumatakas naman sa batas.
Hindi na makalilimutan ni Sylvia ang ipinamalas na perfornance ni Arjo sa reaksiyon ng film aficionados sa Cannes; Locarno; and Austin, Texas – na personal na dinaluhan ng aktor.
Ibang Julia rin ang makikita sa karakter na inilaan sa kanya. Action-packed. Papel na hindi pa niya nagampanan. Kaya all praises din si direk Richard Somes sa kanya. Na kapag nilagyan na ng “dugo” sa buong katawan, hindi na nga raw ito pumapasok sa dressing room o tent at inaabangan na lang ang susunod na gagawin. Kesehodang balot na ng nanlalagkit na tsokolate.
Tinatalakay ng pelikula ang mental health, korapsyon, at ang pagtubos sa kasalanan.
Pak! Pak! Pak! Ganon ang bilis ang bakbakan ng aksiyon ng mga karakter. Kukudlitan ng malalim na emosyon na iikutan ng mga tauhan.
Dalawa ang MTRCB rating nito sa mga sinehan. “Isang R-16. Para makapasok kami sa SM Cinemas. Isang R-18. Doon sa mga hindi SM. Minimal na pagbawas lang sa hardcore action scenes,” ayon sa producer na si Sylvia.
Kaya salubungin na ang pag-uwi ni Topakk sa kanyang tahanan.