AKSYON AGAD
ni Almar Danguilan
HINDI ba’t may direktiba si Philippine National Police (PNP) chief, Dir. Gen. Benjamin Acorda, Jr., laban sa talamak na operasyon ng mga ilegal na sugal sa Metro Manila o buong bansa? Mayroon naman, kaya lang, mainit lang ang direktiba sa unang salta ngunit habang tumatagal na unti-unti nang nababalewala.
Tama, sa umpisa lang ang direktiba kaya nagiging ningas kugon…o ‘ika nga ay oplan pakilala lang ang direktiba.
Patunay na hanggang simula o ningas kugon lang ang gera laban sa mga ilegal na sugal ay ang muling pamamayagpag ng mga sugalan sa Metro Manila, tulad na lamang sa eastern metropolis area. Hayun, sa halip na matigil ang operasyon ng mga ilegal na sugal sa lugar ay mas lalo pang namamayagpag.
Sa Lungsod ng Marikina, balik operasyon na ang mga pasugalan ni alyas Pinong. Talamak na naman ang kanyang pabookies na lotteng, EZ2, tres suwertes. At, siyempre, hindi maglalakas loob si Pinong kung walang basbas mula sa ilang tiwaling opisyal ng Eastern Police District (EPD). Ano pa nga ba!
Siyempre, sa pagbibigay basbas kay Pinong ay may kapalit na intelihensiya kada linggo. E magkano naman ang ipinadadala ng kampo ni Pinong sa ilang tiwaling opisyal ng EPD kada linggo? Magkano nga ba Jojo?
Itong si alyas Jojo ang nakaaalam dahil siya ang isa sa kausap ng mga tiwaling pulis o opisyal ng EPD. P500k lingguhan? Hindi naman kung hindi ay P300K. Totoo kaya ito?
Well, ano sa tingin ninyo mga suki, totoo kaya ang halagang ipinadadala sa ilang tiwaling opisyal ng EPD? Kung hindi naman totoo, ang tanong ay bakit hanggang ngayon ay patuloy ang pamamayagpag ng lotteng ni Pinong sa Marikina City?
Si alyas Jojo matagal nang kilalang trouble shooter ni Pinong.
Ops, teka sa Marikina lang ba namamayagpag ang lotteng na tinutulungan ni alyas Jojo? Hindi, at sa halip, may hawak pa siya sa Pasig City. Pasig City? Aba’y nasa ilalim din ito ng EPD ha?!
Oo, isang alyas Laari din ang kilalang maglo-lotteng sa Pasig City. Katunayan, tulad ni Pinong, hindi na bago si Laarni sa ilegal na negosyong ito kung hindi legendary na ang dalawa. Perpetual maglo-lotteng na ang dalawa sa Marikina City at Pasig City. Hindi ba Jojo?
Ano pa man, PNP Chief, Dir. Gen. Acorda, naniniwala po tayo sa inyong sinseridad kaugnay sa pagsugpo sa mga ilegal na sugal sa bansa pero, tulad din ng mga nagdaang PNP Chief, hanggang simula lang sinusunod ng mga RD,PD, DD, station commanders ang direktiba, dahil kung hindi, dapat ay wala nang mga nagpapalaro.
Tanging kayang banggain at sugpuin lang pala ng mga RD,PD, DD, station commanders ay ang mga sugal na lupa-peryahan.