ALAM MO NA!
ni Nonie Nicasio
ISANG lola na may Alzheimer’s disease at isang istriktong caretaker ang ilan sa tampok na karakter sa pelikulang Litrato na pinagbibidahan ng Comedy Queen na si Ai Ai delas Alas.
Mula sa panulat ni Direk Ralston Jover, ito ay sa pamamahala ni Direk Louie Ignacio. Tampok din dito sina Ara Mina, Quinn Carrillo, Bodjie Pascua, Duane David, Rowan Diaz, at Liza Lorena.
Ito’y ukol sa isang matandang babae na nasa care facility na mayroong Alzheimer’s disease at madalas na nanghihingi ng mga litrato sa mga taong hindi niya kilala dahil wala sa kanyang dumadalaw. Magbabago ang buhay ni Lola Edna nang dumating ang isang istriktong caretaker.
Si Quinn ang gaganap na caretaker dito at base pa lang sa kuwento ni Direk Louie, ito ay isang passion project niya na six years ang hinintay bago nasimulan. Maraming kaabang-abang na twist dito, ayon pa sa award-winning Kapuso direktor.
Kuwento ni Quinn, “Yes po, ako yung gaganap na istriktong caretaker ni lola Edna. Magugulat siya kasi hindi ako mabait sa kanya, na gaya ng ibang caretakers na kinakawawa niya.
“Matutuwa yung ibang mga lola sa akin kasi napapasunod ko si lola Edna.”
Ano ang preparation niya rito? Tugon ng aktres, “Nag-workshop po ako kay Ms. Ruby Ruiz. Nag-usap din kami na ang gusto nga raw ni direk dito ay indie acting at no acting, acting talaga. Malaking tulong po yung pagwo-workshop ko kay Ms. Ruby.
Nagpahayag din ng kagalakan at kakaibang excitement ang aktres/writer sa pagkakataong ibinigay sa kanya para maging bahagi ng pelikula.
“Nakaka-flatter po, super, at nakakataba talaga ng puso kasi I’ve worked with direk Louie pero as a writer niya for Vivamax films. So, ngayon sabi namin finally as artista naman niya ako at nae-excite talaga ako, kasi ang ganda ng story nito,” masayang sambit pa ni Quinn.