I-FLEX
ni Jun Nardo
TINANGGAP agad ni Yasmien Kurdi nang sabihan siyang mapapabilang sa cast ng local TV adaptation ng Korean drama na Start Up. Fan ng K drama si Yasmien at napanood na rin niya ang original series kaya sinunggaban niya agad ang offer.
“Kasi sabi ko, noong una, pressure siya. Kaya ko ba?
“Pinanood ko uli. Inulit ko uli. Sabi ko, parang kaya naman, Sige, go!
“So sobrang saya ko naibigay sa akin ang role na ito,” saad ni Yasmien sa presscon/special screening ng Start Up.
Magkapatid sina Yas at Bea Alonzo sa series. Pero may kompetisyon sila.
“Siyempre, sobrang happy ko na nakatrabaho ko si Bea. Certified Kapuso na siya.
“Lagi nilang sinasabi na magkamukha kami ni Bea even before noong nasa ABS siya.
“Marami pa nga akong stories. Pumunta ako one time, shooting sa Basco. May shooting sila roon. I don’t know sila yata ni John Lloyd (Cruz).
“Nagsu-shoot din kami roon ng ‘Bakekang.’ Akala ko, GMA lang ang nagti-taping.
“So pumasok na ako sa loob ng tent. Nag-set up lahat-lahat. Inilagay ko na higaan ko. Natulog na ako.
“Tapos, nilapitan ako ng PA. ‘Miss Yas, hindi ho kayo rito.’ ‘Ha, may taping kami.’ Set po ito nina Bea Alonzo.’ Ha! Ha! Ha!
“Hindi ko inisip na one day magkakatrabaho kami dahil nandoon siya sa kabila. Ito na ang hinihintay ng fans na sana magkapatid kami. Happy ako! Maraming first time ko nakatarabaho rito.
“At saka na-portray ko ‘yung role na gusto ko sa ‘Start Up,’” sabi pa ni Yasmien.
Sa September 226 ang simula ng series na unang pagsasamahan nina Bea at Alden na base sa aming napanood, lumabas din ang kanilang instant chemistry.