NAGHARI si World 9-Ball champion Carlo “The Black Tiger” Biado sa katatapos na National 10-Ball Tournament na sumargo sa Robinson’s Mall sa Naga City nung Sabado.
Ang magandang preparasyon ni Biado ay isang prebyu para sa ‘di mapipigilang pagsungkit niya ng gintong medalya sa paparating na 31st Southeast Asian Games na sasargo sa Hanoi, Vietnam. Nakatakda siyang maglaro para sa bansa sa men’s 10-ball at 9-ball singles.
Tinibag ni Biado si Raymund “The Pharaoh” Faraon, 11-3, sa finals.
Bago makasampa sa finals ay giniba muna ni Biado sina Alexis Ferrer, 10-8, sa Round-of-16; James “Dodong Diamond” Aranas, 10-6, sa Round-of-8; at Anthony “Anton” Raga, 11-6, sa Round-of-4.
Samantalang si Faraon na ipinagmamalaki ng Sipocot, Camarines Sur ay sinisiw niya si Jerico Bonus, 10-4, sa Round-of-16; Marvin Pastor, 10-4, sa Round-of-8; at Rodrigo “Edgie” Geronimo, 11-10, sa Round-of-4.
Sa naging panalo ni Biado ay kumabig siya ng papremyong P102,000, samantalang si Faraon na naging runner up ay nagkasya na lang sa P30,000.
“I hope to win the SEAG gold,” sabi ni Rosario, La Union native Biado na magiging katambal ang isa pang popular cue master na si Johann “Bubwit” Chua sa SEAG.
Sa women’s side ay tutumbok din sina Rubilen Amit at Chezka Centeno sa 10-ball at 9-ball.
Sasamahan naman ni Francisco Dela Cruz si Efren “Bata” Reyes sa one-cushion at three-cushion carom.
Sa snooker ay pambato naman natin sina Alvin Barbero at Jeffrey Roda para sa men’s singles at 6-red singles.
Sina Amit at Centeno ang magtatangol sa korona ng 9-ball at 10-ball singles sa Hanoi.
MARLON BERNARDINO