ALAM MO NA!
ni Nonie Nicasio
THANKFUL si Lovely Rivero na kahit hindi siya contract artist ng sa GMA-7 ay patuloy siyang nabibigyan ng project sa Kapuso Network.
Si Lovely ay bahagi ng Mano Po na tinatampukan nina Barbie Forteza, Maricel Laxa, Sunshine Cruz, Boots Anson Roa, David Licauco, Nikki Co, Rob Gomez, Dustin Yu, at iba pa. Ito’y sa pamamahala nina Ian Lorenos at Easy Ferrer.
Saad ng aktres.
“Iyan ang isa sa pinaka-ipinagpapasalamat ko sa Diyos na kahit paano, He blesses me with continuous work sa GMA 7 Kapuso network dahil gustong-gusto ko talaga na nagtatrabaho sa kanila at mahal ko ang mga nakaka-work ko sa GMA. Plus, ang gaganda naman talaga ng projects nila at napakaayos ng sistema.”
Pagpapatuloy pa ni Lovely, “Kaya malaki talaga ang pasalamat ko sa lahat ng bumubuo ng GMA network at sa mga production people na nagtitiwala sa akin doon. At the same time, minsan, nagkakaroon din ako ng chance to work sa ibang networks at productions dahil nga freelance actor naman ako at dahil dito, mas lumalawak ang kaalaman at experiences ko.
“Basta ang paniwala ko, ‘pag may trabaho akong ginagawa, dapat pagbutihin mo at ibigay ang puso, serbisyo at abilidad nang buong-buo. Kasi, that is how you show your gratitude and appreciation, by doing a good job, by trying to do your best all the time, maliit man or malaki ang role at kahit saan mang produksiyon.”
Ano ang role niya rito? Tugon niya, “Medyo kakaiba siya sa madalas na role na ibinibigay sa akin lately na nanay na mabait at iyakin. Ngayon may pagkapormal, cold, no non-sense na corporate animal ako rito na fiercely loyal sa amo niya.”
Aniya, “Ang boss ko rito ay si Ms. Cristine Chan, played by Sunshine Cruz, na siyang Presidente at CEO ng GoldQuest Corporation.”
Nabanggit din niyang enjoy siyang katrabaho ang co-actors niya rito. “Naku, ang sarap-sarap katrabaho ng mga kasama kong actors dito. Lahat ng artista rito mababait, walang reklamo sa work at higit sa lahat, napakagagaling.
“Kaya naman napaka-smooth ng tapings at ‘di namin lahat iniinda ‘yung mga small production hiccups, kasi nga lahat very professional at mababait at lahat iisa ang goal: gumawa ng maganda at maayos na serye na magugustuhan ng mga manonood,” nakangiting saad pa ni Ms. Lovely.