ni ROSE NOVENARIO
IPINAING ‘barter’ ni Pangulong Rodrigo Duterte ang soberanya ng Filipinas sa Amerika nang magbantang tuluyang ibabasura ang Visiting Forces Agreement (VFA) kapag nabigo ang US na ihanda ang 20 milyong doses ng bakuna kontra CoVid-19 para sa bansa.
“Previously, the Visiting Forces Agreement was dangled as a bargaining chip for Senator Bato dela Rosa’s US Visa. Yesterday, for US coronavirus vaccines,” ayon sa Facebook post ni Infrawatch PH convenor at dating Kabataan partylist Rep. Terry Ridon.
“Interesting that we can bargain away sovereignty for goods,” dagdag ni Ridon.
Matatandaang iniutos ni Pangulong Duterte ang pagbasura sa VFA matapos kanselahin ng US ang visa ni Senator Ronald dela Rosa noong nakalipas na Enero.
Si Dela Rosa bilang hepe ng Philippine National Police (PNP) mula 2016-2018 ang nagpatupad ng madugong drug war ng administrasyong Duterte at binatikos maging ng international community dahil sa extrajudicial killings (EJK).
Itinuturing ni Pangulong Duterte na paglabag sa soberanya ng bansa ang nasabing hakbang ng US laban kay Bato pati ang resolution na ipinasa ng ilang US senators na nagbabawal makapasok sa Amerika ang mga opisyal ng Philippine government na nasa likod ng pagpapakulong kay Sen. Leila de Lima.
Dahil rito’y pinagbawalan din ni Pangulong Duterte ang mga miyembro ng kanyang gabinete na magpunta sa Amerika.
Sinabi ng ilang political observer na tila sinusubukan ni Pangulong Duterte ang magiging polisiya ng incoming Biden administration sa relasyong PH-US dahil si outgoing US President Donald Trump ay kinausap siya at binigyan muli ng US visa si dela Rosa matapos niyang bantaan na tutuldukan ang VFA.
Sa live briefing kamakalawa ng gabi’y muling inatake ni Pangulong Duterte ang US na puro dada pero kulang sa gawa.
“Ang kanila lang kasi kay, ‘yung Visiting Forces Agreement matatapos na. Ngayon, ‘pag hindi ako pumayag, aalis talaga sila. Kung hindi sila maka-deliver ng maski na lang a minimum of mga 20 million vaccines, they better get out,” sabi ni Duterte
“No vaccine, no stay here,” aniya.
“Hindi nga niya ma-deliver sa kaniyang lugar, dito pa. Itong amerikano talaga. Maniwala kayo. I’ve been in government, dealt with them many times. That’s hwy naging cynic ako sa kanila kasi wala pa…e, kung ibigay e ‘di ibigay, wala naman,” giit ng Pangulo.
Ibinisto kamakailan ni Foreign Affairs Secretary Teddy Boy Locsin na nabigo si Health Secretary Francisco Duque III na magsumite ng mga kaukulang dokumento sa Pfizer kaya hindi nasungkit ng Filipinas ang 10 milyong bakuna mula sa pharmaceutical company sa susunod na buwan.
Ngunit kinampihan ng Pangulo si Duque at nakombinsi na walang nagawang “major lapse” ang Health secretary dahil tuloy pa rin ang negosasyon ng Filipinas sa Pfizer.