HANGGA’T maaari ay ayaw na naming magbukas ng Facebook account dahil sobrang depressing ang mga nababasa namin mula sa mga kaibigang nawalan ng trabaho sa ABS-CBN.
Ang kaliwa’t kanang hinaing nila sa gobyerno na nagpasara ng ABS-CBN na pangalawang bahay nila at pinagkukunan nila ng pambuhay sa mga pamilya nila.
May mga nag-iiyakan at ang iba ay idinadaan sa social media ang hinagpis nila sa pangyayaring ito.
Ang pinakamasakit na parte ay ang isa sa empleado ng ABS-CBN na noong ipinarating sa kanyang isa siya sa magpapaalam na sa network ay inatake siya sa sobrang galit sa gobyerno.
Ayon sa nakuha naming kuwento, ”Sa galit n’ya sa gobyerno at sama ng loob kasi nawalan lahat para sa pamilya ng trabaho at isa sya roon.”
Kasalukuyang nasa ospital ngayon ang empleado at nangangailangan ng dugo at tulong bagay na hindi matanggap ng pamilya at mga kaibigan dahil napaka-energetic at maayos sa trabaho. Bumuhos naman ng maraming panalangin sa FB page ng nasabing empleado.
Agarang paggaling po sa Kapamilya mula sa Hataw publication.
FACT SHEET
ni Reggee Bonoan