MULA nang mai-feature si Rhed Bustamante sa Rated K ni Korina Sanchez last year, malaki na ang ipinagbago ng buhay ng talented na child actress.
Bukod sa napabilang si Rhed sa casts ng top rating TV series na FPJ’s Ang Probinsyano na tinatampukan ni Coco Martin, kasali rin siya sa forthcoming horror movie na Sunod. Ito’y mula sa film company ng direktor na si Paul Soriano at tinatampukan nina Carmina Villaroel, Krystal Brimner, at Mylene Dizon, directed by Carlo Ledesma.
Tiyak na mas lalo pang hahataw ang career ni Rhed dahil nasa pangangalaga na siya ng Mannix Carancho Artist and Talent Management ng kilalang businessman at owner ng Prestige beauty brand na si Mannix Carancho. Katuwang ni Mannix sa Talent Management venture na ito ang PR & Marketing Consultant ng Prestige na si Amanda Salas.
Ipinahayag ni Rhed na tinatanaw niyang malaking utang na loob kay Coco ang pagiging aktibo niyang muli sa showbiz. “Nagpapasalamat po ako nang sobra kay Kuya Coco, malaki po talaga ang nabago… like may bago na po kaming tinitirahan, may sasakyan, may business din po, sari-sari store. Wish ko po na magtuloy-tuloy na po ito at more projects to come,” wika niya.
Ano’ng gusto pa niyang project sa TV at movies? “Gusto ko po sana sa isang show, nandoon na
lahat, may drama, may comedy, may action, para po… gusto ko kasing ma-challenge ‘yung sarili ko. Na may bago na naman po sa akin.”
Bakit ang husay-husay niyang umarte? May pinaghuhugutan ba siya? “Yes po, isa sa inspiration ko po ‘yung family ko. ‘Yung kuya ko, si ate, si mama, lahat po sa family ko, inspiration ko. ‘Tsaka lahat po ng sumusuporta sa akin, sila po ‘yung inspiration ko para galingan ko pa po sa pag-acting.”
Sino pa ang gusto niyang makatrabaho? “Kasi po, rati pa po talaga ang pinakagusto ko pong makatrabaho si Kuya Robin Padilla po. Kasi napapanood ko po mga movie niya. Sobrang cool po niya, kaya gustong-gusto ko po siyang makatrabaho,” saad ni Rhed na idinagdag pang wish niyang makasama rin sina James Reid at Daniel Padilla.
ALAM MO NA!
ni Nonie Nicasio