NAGLULUKSA ngayon ang grupo ng joggers, barangay ni Chairman Bautista, pamilya at mga kaibigan.
Matagal na naming kasama sa jogging si chairman Bautista, masaya siyang kasama habang tumatakbo at naglalakad sa kahabaan ng Chinese Cem. Marami siyang kuwento na nakakatawa, minsan problema sa kanyang nasasakupang barangay pero sa kabuuan, mainit ang pakikitungo niya sa mga kapwa niya joggers.
Isa si Che Peter, tawag namin sa kanya, ang tumataguyod sa kapakanan ng mga joggers dahil na nga sa kanyang pagiging generous. Yung bang nalalabing pera na lang sa bulsa ay ibibigay pa niya sa nangangailangang jogger.
Madalas ay nagpapaalmusal siya sa loob ng Chinese Cem ng lugaw with matching malutong na pandesal. Para sa lahat iyon ng joggers sa umaga kasama ang mga caretakers at guwardiya. Wala siyang sinisino sa pagiging generous.
Sa madaling salaita, super-bait siya sa amin na maaasahan sa lahat ng oras pinansiyal man o anumang tulong.
Kaya nga noong nakaraang araw na pumutok ang balita na pinagbabaril hanggang sa mapatay si Che Peter ay nagulat at nalungkot ang hanay ng mga joggers. Wala kasi kaming alam na matinding dahilan para itumba siya nang ganoon.
Nasa pulisya na ang masusing pag-iimbestigaa ng kaso ni Che Peter. ‘Ika nga, gumugulong na ang hustisya para mahuli ang dalawang killers at ang utak nito. At umaasa ang mga joggers, pamilya ni Che Bautista at mga ka-barangay niya na mabibigyan ng hustiya ang pagkamatay ng iniidolo naming chairman at ka-jogger.
Sa asawa ni Che Peter na si chairwoman nakikiramay po ang grupo ng mga joggers sa pagkawala ng isang mabuting tao.
KUROT SUNDOT
ni Alex Cruz