ANG magkapatid na Ria at Arjo Atayde ang bumida noong Sabado sa “Maalala Mo Kaya” na ang kuwento ay tungkol sa illegal mining sa Sibuyan Island sa Romblon.
Sa umpisa pa lang ay ipinakita na nina Ria (Rosedel) at Arjo (Manong Armin) ang husay nila sa pag-arte sa mga ginampanang character. Palaban sa sakim at ganid na mining company na gustong mag-mina sa kanilang isla si Manong Armin na hindi pumayag na masira ang kagandahan ng kanilang lugar.
Hanggang sa kahuli-hulihan niyang hininga ay kanyang ipinaglaban ang kanilang bayan.
Grabe, panay ang agos ng aming luha sa eksena habang pinipigilan ni Arjo ang tauhan ng mining company na huwag nang ituloy ang pagmimina kung saan nabaril siya nang walang kalaban-laban. Pagbagsak ng kaniyang katawan at pag-agos ng dugo sa lupa ay mararamdaman mo na totoong-totoo ang pagpaslang kay Arjo. Ang intense ng acting niya na kaniyang-kaniya lamang.
Maging si Ria ay naipakita ang pagiging born actress na namana siyempre nila ni Arjo sa kanilang mommy Sylvia Sanchez na very proud sa ipinakita nilang performance sa MMK.
Napakanatural umarte ni Ria at ang galing-galing niya sa ending ng kanilang MMK episode habang kinokompronta ang mga minero sa pagpatay sa kanyang Manong Armin. I’m sure sa husay ng magkapatid, malamang na dalawa silang magkakaroon ng acting nominations rito.
VONGGANG CHIKA!
ni Peter Ledesma