Cristy kay Claudine: siguruhin niyang may merito ang kasong isasampa niya sa piskalya pa lang

Claudine Barretto Cristy Fermin

NAGHAIN na kahapon, Martes ng cyber libel si Claudine Barretto laban sa TV host at veteran showbiz columnist na si Cristy Fermin atco-host nitong si Rommel Villamor, o mas kilala bilang Rommel Chika sa tanggapan ng National Bureau of Investigation (NBI).

Ito’y may kaugnayan sa umano’y mapanirang pahayag nina Tita Cristy at Rommel tungkol sa kanya sa YouTube show ng mga ito na Showbiz Now Na!

Ayon kay Claudine ang demanda ay kaugnay ng mga pahayag ng SNN show ukol sa umao’y pagkakaroon niya ng bipolar disorder, pagdepende sa pinansiyal na tulong ng kapatid na si Gretchen Barretto, at sa mga espekulasyon tungkol sa dahilan ng kanyang pagkakaospital.

Anang aktres, ilang beses na umano siyang nakiusap kay Tita Cristy na itigil na ang mga komento tungkol sa kanya, ngunit hindi raw ito nagbunga kaya napagpasyahan niyang dumaan na sa legal na proseso.

“Since last year, hindi niya talaga ako tinatantanan. Ito na ‘yung last straw. Hindi talaga siya tumitigil,” pahayag ni Claudine sa panayam.

Hindi rin daw open ang aktres sakaling makipag-settle o mag-apologize si Tita Cristy sa kanya.

Sinabi rin ng aktres na mas mabibigat umano ang mga salitang binitiwan ni Cristy laban sa kanya kompara sa mga sinabi rin nito sa iba pang personalidad gaya nina Bea Alonzo at Sharon Cuneta, na nagsampa rin ng mga reklamong cyber libel.

Sinabi naman ni Cristy na handa siyang harapin ang reklamong isinampa ni Claudine.

Sa panayam ng BANDERA, isang online publication kay Cristy hinggil sa issue, sinabi nitong, “Wow! Big words! Ipakukulong daw niya ako? Siguruhin niyang may merito ang kasong isasampa niya sa piskalya pa lang!”

Bago ang pagsasampa ng reklamo, nagpadala ang abogado ni Claudine na si Atty. Lance Abraham Mateo ng Final Demand to Cease and Desist kina Cristy at Rommel. 

Nakasaad sa liham ang kahilingang itigil na ng dalawa ang mga pahayag na itinuturing ng kampo ng aktres na hindi totoo at nakasisira sa kanyang reputasyon. (Maricris Valdez)