IPINAHAYAG ni Beauty Gonzales na excited na siya sa gagawing horror movie sa BG Productions International na pag-aari ng businesswoman na si Ms. Baby Go.
“Excited, kasi siyempre ay makikita ko ang mga friends ko, iyong mom ko. Actually, na-awkward din ako, kasi makikita ako ng mga barkada ko roon na umaarte,” nakatawang saad ni Beauty.
Okay lang daw sa kanya kung second choice siya sa pelikulang ito. “Regarding doon sa isang artista (na tinanggihan ang role na ito), hindi ko po alam ‘yun, desisyon naman niya iyon, e. Thankful ako na sa akin napunta ang role na ito,” sambit ni Beauty.
Tampok din sa Hipnotismo sina Enzo Pineda kasama sina Polo Ravales, Miss Universe 3rd Runner up Ariella Arida at Mr. World Philippines JB Saliva. May espesyal na papel din ang ilan sa BG talents na sina Kate Brios, Wayne Calderon, at Winter Calderon. Si Direk Joey Romero ang mamamahala sa pelikulang ito.
Ang Hipnotismo ay kuwento ng newly wed couple (Beauty and Enzo) na nag-honeymoon sa Dumaguete. Sa pagtira nila sa lumang bahay ay daraan sila sa mga nakakikilabot na karanasan na halos muntik na nilang ikapahamak.
Si Direk Joey ay anak ng batikang National Artist for Film na si Eddie Romero. Matatandaan na siya ang nag-direk ng horror film na Vampira na pinagbidahan ng Diamond Star Maricel Soriano. Nagwagi ang Vampira ng best film sa prestihiyosong Young Critics Circle.
Co-writer ni Direk Joey sa script ang award-winning screen writer na si Eric Ramos na sumulat ng pinag-uusapang MMFF entry na Rainbow’s Sunset.
Sa panig naman ng lady boss ng BG Productions, ipinahayag ni Ms. Baby kung gaano niya kamahal ang paggawa ng pelikula. “Passion ko na talaga ang pagprodyus ng pelikula. Hindi mawawala sa sistema ko ang paggawa ng pelikula sa aking kompanya. Matagal ko nang pangarap ang makapagprodyus ng horror film at nakatutuwa na sa Dumaguete, kung saan ako ipinanganak at lumaki ang location ng shooting nito. Ii-explore sa movie ang kagandahan ng Dumaguete,” sambit ng prolific lady producer na si Ms. Go.
Actually, patuloy sa paghataw si Ms. Baby sa paggawa ng pelikula. Katatapos lang ng produksiyon ng pelikulang Latay na pinagbibidahan nina Allen Dizon at Lovi Poe, mula sa direksiyon ni Ralston Jover. Then, uumpisahan na ngayong December ang Hipnotismo na kukunan nga ang ilang eksena sa Dumaguete.
ALAM MO NA!
ni Nonie Nicasio