MAGKAIBA ang estado ng lovelife ngayon ng dalawang bida ng Pare Mahal Mo Raw Ako na showing sa June 8. Happy at proud si Michael sa pag-amin sa kanyang girlfriend na si Garrie Concepcion (anak nina Grace Ibuna at Gabby Concepcion).
Dumalo si Garrie noong premiere night ng Pare Mahal Mo Raw Ako noong Tuesday sa SM Megamall. Nandoon siya para suportahan ang boyfriend. Kahit may bagong GF si Michael, responsable pa rin siya bilang binatang ama. Hindi niya tinatalikuran ang obligasyon sa kanyang anak.
Kabaligtaran naman ito sa lovelife ni Edgar Allan Guzman na balitang hiwalay na sa young star ng TV5 na si Shaira Mae. Kahit anino ni Shaira ay hindi nakita sa nasabing event. Mula’t simula ay hindi na boto ang manager ni EA kay Shaira Mae kaya itinuturing niya na nakaaapekto sa career ng alaga ang pakikipagrelasyon nito.
Dumalo at sumuporta rin sa premiere night sina Tessie Tomas, Kiray, CJ Navato, at Kristel Fulgar.
Anyway, maganda ang feedback at nag-enjoy ang mga nanood sa premiere night ng Pare Mahal Mo Raw Ako. Malakas ang sigawan ng fans sa mga hugot at magaling na acting ni Edgar.
Bilang introducing naman sa movie si Michael ay pasado ang performance na ipinakita.
Kuwela rin ang tandem nina Joross Gamboa at Matt Evans sa movie. Pati na rin ang nakagugulat na pasabog nina Nora Aunor at Ana Capri. Kasama rin sa pelikula sina Katrina “Hopia Legaspi, Nikko Seagal Natividad, at Miggy Campbell.
Ito’y sa direksiyon ni Joven Tan.
TALBOG – Roldan Castro