Kelvin nanggalaiti nang mapag-usapan sexual harassment

Kelvin Miranda Anton Vinzon Michael Sager Gen Z Heartthrobs

RATED R
ni Rommel Gonzales

MAY bakas ng galit na nagpahayag ng saloobin si Kelvin Miranda nang matanong tungkol sa mga nagaganap na sexual harassment o pambabastos sa mga artistang tulad niya, sa personal man o sa social media.

“Marami naman pong ganyan, hindi naman po talaga natin makokontrol ‘yan, sa social media pa!

“Sobrang daming bastos diyan, sobrang daming walang modo riyan, sobrang lahat na halos nandiyan, makikita natin sa social media.

“Kung gusto mong tumingin ng hindi kaaya-aya makikita mo talaga sa social media. Kaya ako medyo aloof ako pagdating sa social media.

“Hindi ako masyadong attached pero since nadoon ‘yung generation natin, kailangan kong mag-adapt and siyempre ako as a person hindi ko ibibida ‘yung sarili ko roon.

“Pero para i-handle ‘yung ganoong pagkakataon hindi ko na lang siguro pinapansin para alam mo ‘yun, hindi na lumaki.

“Mayroong mga ganyan hindi talaga iyan nawawala, ‘yung mga issue like before, napakaraming kontrobersiya ko nang hinarap dito sa industriya na ito pero ang masasabi ko lang mas kilala ko ‘yung sarili ko at Diyos po ang bahala sa akin.”

Natanong si Kelvin ng isang insidente na nabastos siya.

“Marami, eh! Like yung isyu kay Sam Smith, hindi ko siya alam, eh.

“Bakit ako pagbibintangan ng tao na mayroong Sam Smith akong kinita na binayaran ako ng isang milyon?

“Sino ka para husgahan ako? Hindi mo naman ako kilala, hindi mo naman alam kung nasaan ako noong araw na ‘yun, may trabaho ako noon.

“Offensive siya. Hindi siya nakatutuwa. 

“Hindi siya magandang sakyan!

“And para sa akin, para hindi na lang siya lumaki, hinahayaan ko na lang. Kasi alam ko naman ‘yung totoo sa sarili ko, eh.

“And tinapos ko na ‘yung usapan na ‘yun, and hindi siya importante sa akin. 

“Binitawan ko na, at hindi ko na siya pinoproblema.

“And ‘yung mga taong pilit pang ibabalik ‘yan, wala akong pakialam.

“Kumbaga, hayaan ko na lang. Hanggang ngayon dala niyo pa rin ba ‘yan?

“Ako, naka-move on na, eh. 2026 na! Magtu-2027 na, come on, guys!”

Hindi rin dapat nino-normalize o ipinagwawalang-bahala ang sexual harassment sa kahit na anong sitwasyon.

“Actually ‘yung sexual harassment medyo nagiging parang… nano-normalize na ‘yun eh. Na ‘okay lang ‘yan! Ganito-ganyan.’

“Hindi ganoon ‘yun, bobo! Nakaiinis pakinggan. Pangit siyang pakinggan, hindi siya maganda.

“Pati ‘yung mga comment na napaka- unnecessary. Mga comment na, ‘Ang sarap mo!’ Parang f*ck!

“Bakit kailangan mong sabihin ‘yun sa tao? “Parang… hindi siya appropriate. Hindi siya nakatutuwa.

“Kahit pa sabihin mong social media lang ‘yun. Lang? Hindi lang ‘yun, kasi sexual pa rin, harassment ‘yun!”

Samantala, magkakasama sina Kelvin, Anton Vinzon at Michael Sager sa Gen Z Heartthrobs concert sa January 15, 2027 sa New Frontier Theater  Cubao, mula sa produksiyon ng Happy Events By Deegee.