King Crunchers, 4-0 na; Bulldogs, napatumba

Spikers Turf NU Archipelago Builders vs Criss Cross

HINDI napigil ng matikas na depensa ng National University (NU)-Archipelago Builders ang ratsada ng Criss Cross King Crunchers na nanatiling walang talo sa 2026 Spikers’ Turf Invitational Conference.

Matapos mabigo sa unang set, nag-init ang opensa ng defending champion Criss Cross upang baligtarin ang NU, 23-25, 25-16, 25-20, 25-20, nitong Miyerkules sa Filoil EcoOil Centre.

Sa pangunguna ni setter Adrian Villados, naisalpak ng King Crunchers ang kanilang ikaapat na sunod na panalo para makapantay sa ClearSkiiin sa liderato tangan ang parehong 4-0 kartada.

Naging susi sa panalo ang mahusay na pamamahagi ng bola ni Villados na kumolekta ng 38 excellent sets at naglatag ng pagkakataon para sa 64 successful attacks ng Criss Cross mula sa 126 pagtatangka.

Kahit batid ang bagsik ng blocking ng NU, hindi nagpatinag ang King Crunchers at nakahanap ng paraan para malusutan ang depensa ng Bulldogs, na unang beses na nalasap ang kabiguan sa torneo.

Bukod sa mahusay na playmaking, nagdagdag si Villados ng tatlong puntos at siyam na excellent digs.

Muling pinatunayan ni five-time MVP Jude Garcia ang kanyang kahalagahan sa koponan matapos pangunahan ang opensa sa 24 puntos, tampok ang 19 attacks, tatlong blocks at dalawang service aces. Nagtala rin siya ng 16 excellent receptions.

Sumuporta si Jaron Requinton sa pamamagitan ng 19 puntos, habang nagrehistro si Noel Kampton ng 14 puntos at 10 excellent receptions para sa double-double performance.

Nagdagdag naman sina Lloyd Josafat at Kim Malabunga ng siyam at walong puntos.

Lalong pinatingkad ng Criss Cross ang panalo sa pagiging maingat sa laro matapos makagawa lamang ng 12 unforced errors, malayo sa 20 pagkakamali ng NU.

Muling sasabak ang King Crunchers sa Linggo kontra AEP-Cabstars, alas-11 ng umaga, sa hangaring makamit ang ikalimang sunod na panalo.

Samantala, nalaglag sa ikatlong puwesto ang NU tangan ang 3-1 kartada matapos masira ang malinis nitong rekord.

Nanguna sa Bulldogs si Buds Buddin na may 19 puntos at 18 excellent receptions, habang nagtala si Jade Disquitado ng 18 puntos at 15 excellent receptions.

May 18 puntos din si Leo Ordiales na ipinasok mula sa bench sa ikatlong set.

Babangon naman ang NU sa pagtatangkang talunin ang Armed Forces of the Philippines sa Sabado, alas-3:30 ng hapon, sa Philsports Arena sa Pasig City. (Spikers’ Turf/HNT)