SIARGAO – Isang malaking upset ang ipinamalas ni Filipino wildcard Jayuard Alciso nang patalsikin nito ang Olympic champion na si Kauli Vaast ng France sa Round 1 ng World Surf League (WSL) Championship Tour Philippines Pro sa Cloud 9 nitong Linggo.
Sa kanyang unang pagsabak sa prestihiyosong torneo sa Siargao, umiskor si Alciso ng 12.93 puntos upang makuha ang panalo sa Heat 8 at makapasok sa Round 2.
Nagtala ang Asian Games bronze medalist ng 7.33 puntos sa kanyang ikapitong wave at nagdagdag ng 5.60 sa ikasiyam upang lampasan si Vaast, na kasalukuyang No. 9 sa world rankings.
Aminado si Alciso na malaking karangalan para sa kanya ang talunin ang isang Olympic gold medalist.
Lalo pa siyang ginanahan sa suporta ng kanyang pamilya, mga kaibigan at nobya na personal na nanood sa dalampasigan.
Nagpaabot din siya ng pasasalamat sa mga lokal na tagahanga na patuloy na nagpalakas ng kanyang loob habang nakikipagbakbakan sa mga pinakamahusay na surfer sa mundo.
Ang panalo ni Alciso ay dagdag na karangalan para sa Pilipinas sa makasaysayang WSL event na inihahandog ng Philippine Sports Commission (PSC), katuwang ang Surigao del Norte provincial government sa pangunguna ni Gov. Robert Lyndon Barbers, at pamahalaang bayan ng General Luna sa pamumuno nina Mayor Johnson Sajulga at Vice Mayor Romina Sajulga.
May nakalaang US$13,000 o humigit-kumulang P830,000 para sa mga matatanggal sa unang round, habang US$80,000 o tinatayang P5.1 milyon ang naghihintay sa kampeon.
Kabilang din sa mga sumusuporta sa torneo ang PAGCOR, DOT, DPWH, TIEZA at NEA/SIARELCO.
Mapapanood ang mga aksiyon nang live sa One Sports YouTube channel at Cignal Play. (PSC/HNT)
